Narescue ng mga kawani ng Municipal Distaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Culion ang sasakyang pandagat ng MDDRMO Coron matapos itong hindi inaasahang magkaroon ng problema ang makina, bandang 7:30 gabi ng Sabado, Pebrero 11.
“Nakatanggap ng tawag ang opisina ng Culion MDRRM mula sa ating mga kasamahan sa trabaho from MDRRMO Coron lulan ng bangkang Coron Rescue 2,” pahayag ng MDRRMO Culion.
Sa impormasyong nakalap ng opisina, ang sasakyan ng Coron ay naghahatid ng mga pasyenteng dinadala sa ospital sa Culion.
“Sa di inaasahang pangyayari, habang pabalik sa bayan ng Coron ay nagkaroon ng problema ang kanilang makina malapit sa Sand Island, na sakop ng Bgy. Libis. Agad na inutusan ng ating butihing Mayor Ma. Virginia N. De Vera ang MDRRMO personnel na magsasagawa ng rescue operation sa nasabing bangka,” ayon pa dito.
Sakay ng bangka ng MDRRMO Coron ang apat na mga kawani ng tanggapan.
Upang ma-rescue ang bangka, itinali ito sa bangka ng MDRRMO Culion at agad na hinila at ligtas na bumalik sa baybayin ng Culion.
“Ang agarang pagresponde sa mga bangkang na stranded at nangailangan ng tulong lalo’t sa ating mga kasamahan sa DRRM ay isinasagawa upang masigurong ligtas at makauwi ng maayos ang mga taong lulan ng nasiraang bangka.” dagdag na pahayag.
Samantala, nanawagan naman ang MDRRMO sa mga sasakyang pandagat na kanilang nasasakupan na maaaring makipag-ugnayan agad sa kanila sakaling may di inaasahan na pangyayari sa karagatan.
Narito ang kanilang mga emergency number: 0967-396-9828 (Globe) at 0999-705-1595 (Smart).