Nakatanggap ng iba’t-ibang uri ng serbisyo ang mga mamamayan ng Barangay Teneguiban sa bayan ng El Nido sa isinagawang Community Outreach Program ng Municipal Police Station (MPS) at Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3), katuwang ang grupong Kabataan Kontra Droga at Terrorismo (KKDAT) at opisyales ng barangay, araw ng Sabado, Mayo 1.
Kabilang sa natanggap ng mga mamamayan ang food packs gaya ng bigas, noodles, de lata, at iba pa. Namahagi rin ng mga laruan para sa mga bata at kulambo sa ilang pamilya sa barangay. Kasabay nito, nagsagawa rin ng libreng tuli at gupit para sa mga kabataan at isang food feeding activity para sa lahat ng dumalo.
Ayon kay Cpt. Dennis Sadlay, Civil Military Operations (CMO) Officer ng MBLT-3, ang aktibidad ay isang paraan para makapagpaabot sila ng tulong sa mga mamamayan sa gitna ng pandemya.
“Napakahalaga ang programang ito dahil kahit papaano ay natutugunan natin ang mga pangangailan ng ating mga kababayan para maibsan ang kanilang paghihikahos na dulot nitong pandemya na ating kinakaharap sa kasalukuyan,” ani Sadlay.
“Patunay din ito na ang MBLT-3, katuwang ang El Nido Municipal Police Station, ang samahan ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) at iba pang ahensya at lokal na pamahalaan ng El Nido ay aktibo at walang humpay sa pagtutulungan upang maitaguyod ang mas progresibo at maunlad na pamayanan” dagdag niya.
“Ang aming pakikilahok sa naturang programa ay isinagawa din bilang patuloy na pagtaguyod sa programang inilunsad ng MBLT-3 noon pa mang nakaraang taon, ang “Damayan Para sa Kapwa,” sa ilalim ng mga programa ng 3rd Marine Brigade (“Tulungan si Kapwa”) at Western Command (“Kapwa ko, Sagot ko”), katuwang ang mga LGUs, LGAs, NGOs, Civil Society Organizations at iba pang stakeholders na may layuning maibsan ang epekto ng pandemya sa ating mga mahihirap na kababayan,” paliwanag pa ni Sadlay.
Kasabay ng community outreach ay nagsagawa din ang grupo ng coastal clean up sa nasabing Barangay. “Isa rin itong pagpapakita at pagbibigay ng halaga hindi lamang sa ating karagatan pati na rin sa ating kalikasan. Ang inyong mga katropa ay nakikiisa sa pangangalaga at pagprotekta sa ating kalikasan,” ani Sadlay.
