SAN VICENTE, Palawan – Muling hihilingin ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan (SB) na maglaan ng karagdagang pondo na gagamitin para sa pagpapatuloy ng mga programa sa patguton sa COVID-19 sa munisipyo.
Ito’y matapos ibasura ng SB ang naunang supplemental budget na hiniling ng alkalde para sa nasabing programa noong nakaraang linggo, pagkalipas ng halos ilang buwan nang talakayin ito.
Kabilang sa hiniling ni Alvarez ang pondo upang ipangbili ng bigas para maipamahagi bilang tugon sa pangangailangang pagkain ng bawat pamilya ngayong panahon ng pandemya .
“Marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa pandemya. Kung mapagbibigyan ng Sanggunian ay mamamahagi tayo ng ayudang bigas sa bawat pamilya upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkain,” pahayag ni Alvarez.
Kasama rin dito ang tulong sa pagkain para sa mga nagpositibo sa COVID-19, sumasailalim sa home at facility-based quarantine, at mga frontliners na nagseserbisyo sa mga quarantine checkpoints, isolation at quarantine facilities ng bayan.
Upang mapaigting ang pagtukoy sa mga residenteng nagpopositibo sa naturang sakit at maiwasan ang pagkalat nito ay nais din ng alkalde na maisama sa ilalaang pondo ang pagbili ng karagdagang antigen test kits.
“Nagamit na kasi natin ang pondo na nakalaan para sa mga programang ito dahil na rin may naitalaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating bayan nitong mga nagdaang buwan. Kaya humihiling at umaasa tayo sa SB na kanila itong aaprubahan,” paliwanag pa ni Alvarez.
Kapalit ng kawalan ng trabaho, ipinanukala din niya ang dagdag na pondo para sa programang pangkabuhayan sa komunidad, pagpapasweldo ng mga service contractors ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) at iba pang mga opisina.
Ang mga programang nabanggit ay hindi inaprubahan ng SB matapos itong iindorso kamakailan ng punong ehekutibo bilang bahagi ng Supplemental Budget No. 6-2021. Ito ay sa kabila ng agarang pangangailangan na magkaroon ng pondo para matiyak na hindi maaantala ang paghahatid ng serbisyo at programa ng lokal na pamahalaan.
Ilan sa mga ipinatutupad na programa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente simula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic ang pagbibigay ng pagkain sa mga naka-isolate at kompirmadong kaso ng COVID-19, pamamahagi ng food packs sa mga sumasailalim sa home at facility-based quarantine, at ang pagsusuri gamit ang antigen test kits sa mga close contact ng mga nagpositibo sa sakit.
Ang San Vicente ang bukod tanging bayan sa lalawigan na may na patuloy na namamahagi ng libreng pagkain sa mga residente na nagpositibo sa sakit at maging ang mga close contact ng pasyente na sumasailalim sa quarantine.
