Panagawan ng San Vicente TODA at ng iba pang nagmamaneho ng tricycle na muli silang pagbigyan na mamasada upang magkaroon ng dagdag-kita at kabuhayan.

SAN VICENTE, Palawan — Hiniling ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan ng San Vicente na ikonsidera ang muling pagbibigay ng prangkisa para sa operasyon ng mga de-gasolinang tricycle dito.

Ang kahilingan ay bilang tugon ni Mayor Alvarez sa panagawan ng San Vicente TODA at ng iba pang nagmamaneho ng tricycle na muli silang pagbigyan na mamasada upang magkaroon ng dagdag-kita at kabuhayan.

Sa liham na kanyang ipinadala sa Sangguniang Bayan, nais ng alkalde na amyendahan ang Ordinance No. 03, Series of 2018, upang magbigay-daan sa lehitimong operasyon ng mga ito bilang public utility vehicles (PUVs) sa bayan.

“Wala namang ibang hiling ang mga tricycle driver na ito kung hindi ang magkaroon ng pagkakakitaan. Gusto lang din natin silang matulungan lalo at hindi pa tiyak kung kailan matatapos ang pandemya,” pahayag ni Alvarez.

Matatandaan na noong taong 2018 ay inaprubahan ang naturang ordinansa na nagbabawal sa mga passenger tricycles at top-down tricycles na tumanggap ng mga pasahero at sa halip ay pinahihintulutan lamang ang mga ito bilang “family service” at sasakyan sa pag-biyahe ng mga cargo at alagang hayop.

Ang naturang ordinansa rin ang nagpapahintulot naman sa operasyon ng electric-tricycles (E-Trikes) bilang mga PUVs sa munisipyo.

Taong 2019 nang mapagkalooban ang San Vicente ng 50 units ng E-Trikes mula sa Department of Energy (DOE) bilang bahagi ng proyektong “Market Transformation through Introduction of Energy-Efficient Electric Vehicles.” Kasabay nito ang pagkawala ng kabuhayan at pagkakakitaan ng mga nagmamaneho ng de-gasolinang tricycle na walang kakayanan na magkaroon ng e-trikes sa pamamagitan ng rent-to-own scheme ng pamahalaang bayan.

“Sayang naman ang kanilang mga tricycle kung hindi nila magagamit sa pamamasada. Kung tutuusin ay ipinagawa nila ang mga iyan para sila ay may pagkakakitaan, hindi ba,” paliwanag ni Alvarez

Ayon sa information officer ng San Vicente, mayroong tinatayang mahigit sa 100 tricycle drivers ang naapektuhan ng pagpapatupad ng naturang ordinansa. Hindi pa kabilang dito ang mga pumapasadang tricycle sa Barangay Port Barton at iba pang karatig barangay.

Kaugnay nito, hinihikayat din niya ang mga tricycle driver na magparehistro sa Municipal Public Safety and Enforcement Program (MPSEP) ng pamahalaang bayan alinsunod sa ordinansa.

Inihayag din ng alkalde na inatasan na niya ang Municipal Cooperative Development Office na tulungan ang mga tricycle driver na bumuo ng kooperatiba na magsusuplay ng mga murang kagamitan para sa kanilang mga sasakyan.

Umaasa naman si SB member Ramir Pablico na susuportahan ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Bayan ang liham kahilingan ni Alvarez para sa mga maliliit na driver ng tricycle.

“Susuportahan ko po ang kahilingan ng ating mayor. Sana ganoon din ang ating mga kasama sa Sangguniang Bayan na muling mabigyan ng prangkisa ang ating SVP TODA sa pamamagitan ng pag-amyenda ng Ordinance no. 03-2018. Alam naman natin na pare-pareho tayong naapektuhan ng pandemyang COVID-19, kaya kailangan din nating matulungan ang tricycle drivers association na nahihirapan din ang kanilang mga pamilya,” pahayag ni Pablico

“Kailangan na malimitahan lang ang unit ng tricycle at mag-usap ang mga may E-Trikes para magkaisa sa layuning mapaglingkuran ang ating mga kababayan” dagdag niya.

Umani naman ng iba’t-ibang reaksyon ang usaping ito mula sa mga mamamayan.

“Bakit hindi sila magkuha ng unit? Sayang yong mga e-trike nabigay ng DOE. Dapat i-educate ang tao sa climate change or bigyan sila ng bagong pagkakakitaan nila. Okay lang siguro tricycle eh service nila. Akala ko ba gagawin ninyong first class municipality ang San Vicente? Sayang ang effort ng government para maka-acquire ng mga e-trike tapos ibabalik nyo lang. Isa pa safe at hindi maingay ang e trike,” pahayag ni Junalyn Labeta Pangilinan.

“Bakit po ninyo pinagiinitan ang pagbigay ng prangkisa at permit sa mga tricycle. Yan lang naman ang alam naming paraan para mabuhay namin ang aming pamilya. Tsaka bago pa dumating ang e-tric nandyan na kaagad ang tricycle,” pahayag ng tricycle driver na si Rashid Adier.

“Ang galing!!! after two years sa serbisyo sa wakas napansin din ang mga tricycle drivers ng San Vicente. Ang kailangan nalang ngayon ng LGU ay i-comply ang lahat ng nakasaad sa deed of donation sa pagitan ng  LGU at ng DOE na napansin na ng COA sa 2019 audit report. Pero base sa findings ng COA ay walang action na ginawa ang LGU ayon na rin sa 2020 annual audit report sa San Vicente. Makikita mismo sa status of implementation of prior years audit  recommendation, hindi naibigay ng LGU ang hinihingi ng COA kasama kasama na dito na mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin nairegister ang mga E-trike  sa LTO habang yun mga E-trike dapat ay nai-award sa mga potential owners na ngayon ay ipinapamaneho na sa iba taliwas sa nakasaad sa deed of donation at deployment plan,” ayon naman kay Michelle Fox.

Ang nabanggit na mga E-Trike ay ipinagkaloob ng Department of Energy (DOE) sa bayan ng San Vicente noong Abril 1, 2019, sa ilalim ng programang E-Trike Deployment Plan.

Previous articleDry run para sa paggamit ng Staysafe.ph app isinagawa sa Aborlan
Next articleVoter registration in SM City Puerto Princesa set July 30-31
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.