SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nagpapatuloy ang isinasagawang Sinovac vaccination roll out ng Municipal Health Office (MHO) sa bayang ito ngayong buwan ng Mayo sa lahat ng medical frontliners at senior citizens, kasama sina Mayor Marcito Acoy at Vice-Mayor Rona Chou.
Ayon kay Dr. Rhodora Tingson, municipal health officer ng Sofronio Española, sina Acoy at Chou ay kasama sa priority list. Si Acoy ay isang senior citizen at si Chou naman ay frontliner bilang isang midwife.
Nitong araw ng Huwebes, Mayo 6, 15 frontliners at siyam na senior citizens ang nabakunahan mula sa Barangay Pulot Center habang 29 frontliners at 13 senior citizens naman mula sa Brgy. Panitian.
Sa datos na ibinigay ni Tingson, may kabuuang 144 frontliners at 22 senior citizens na ang kanilang nabakunahan ng Sinovac simula noong buwan ng Abril.
Ayon pa kay Tingson, mayroon na silang unang 100 frontliners ang nabakunahan noong buwan ng Abril.
“May naunang batch tayo na frontliners last April na 100 doses ang nabigyan na at ang second dose ay this next week of May,” ani Tingson.
“Ang second batch natin ngayong month of May, second dose nila after 28 days. In total ay mayroon na tayong 144 frontlines na nabakunahan ng first dose while 22 senior pa lang ng nabakunahan,” dagdag niya.
