Natagpuang wala ng buhay ang 23 anyos na si Liezl Malinao sa tabi ng ilog, Lunes ng gabi sa Barangay Panitian bayan ng Quezon. // Larawan mula sa Quezon MPS.

 

Suffocation ang hinihinalang dahilan sa pagkasawi ng isang babae matapos matali ang paa at leeg nito sa lubid ng kalabaw sa Barangay Panitian bayan ng Quezon, Lunes ng gabi.

Ayon sa ulat ng himpilan ng pulis sa Quezon, ang 23 anyos na si Liezl Malinao ay natagpuang wala nang buhay sa tabi ng ilog na nakataob habang nakatali ang paa at leeg nito sa lubid ng kalabaw na siyang pinaniniwalaang dahilan ng pagkasawi nito.

“Iyong pamilya niya pauwi na sa bahay, habang pauwi na sila, nakita nalang nila sa tabi ng ilog na nakataob at napuluputan na ng lubid ng kalabaw ang babae at wala nang buhay. Sa tingin ko nasuffocate siya dahil sa tali at dala narin sa init ng araw,” pahayag ni P/CMS Uldarico Cordero sa panayam nito sa Palawan News.

“Nagwawala pala ang kalabaw, toro kasi iyon. Apat na beses na rin pala siyang na ganon pero narirescue lang siya kasi nakikita naman ng mga kamag-anak. Pero ngayon hindi na, natuluyan na siya. Ibebenta na rin sana ang kalabaw kaso hindi nagkasundo sa presyo kaya hindi nabenta,” dagdag niyang pahayag.

Sabado umano ng hapon nang magpaalam si Malinao sa nakatatanda nitong kapatid na ipastol ang kalabaw nito sa parteng damuhan malapit sa kanilang bahay at pagkalipas ng ilang araw na hindi pa ito nagpapakita ay hindi naman nagtaka ang kaanak nito dahil sanay narin at magkakalapit lang ang mga bahay nito.

Ayon pa sa imbestigasyon, naniniwala ang kaanak ni Malinao na aksidente lamang ang nagyari.

“Hindi na nagtaka ang pamilya dahil magkakalapit lang naman sila ng bahay, sabi pa ng pamilya, mabait at wala naman kalaban ang biktima,” sabi ni Cordero.

(With a report from Jayra Joyce Taboada)

 

About Post Author

Previous articleBDO branch in PPC earns 2019 BDO Top Achievement Award
Next articleDating drug surrenderee, inaresto ulit dahil sa pagbebenta ng shabu