Matagal nang alitan sa pagitan ng biktima at suspek ang nakikitang dahilan ng Police Station 1 (PS 1), na dahilan nang away na nag-resulta sa isang malagim na krimen na naganap sa Purok Zone 1, Barangay Tagburos, umaga ng Marso 25.
Sa paunang ulat, naabutan ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force (ACTF) ang biktima na kinilalang si Joel Maccion na nakahandusay sa lupa at wala ng buhay matapos na saksakin at hampasin ng bato sa ulo ng suspek na kinilalang si Roberto Campaner.
Nag-iinuman umano si Maccion at si Campaner kasama ang iba pa nang magkainitan ang dalawa.
Sa pahayag ni P/Capt. Ray Aron Elona, hepe ng PS 1, matagal nang may samaan ng loob ang dalawa na naging dahilan ng away.
“Ang puno’t dulo ng nangyari ay may past na away na itong dalawa. Habang nag-iinuman ay nagkaroon ng komprontasyon hanggang bandang alas syete ng umaga. Umuwi ang suspek at pagbalik sa inuman ay may dala na itong kutsilyo,” ani Elona.
Samantala, sa naunang pahayag naman ni Kgd. Maribel Gaid ng Brgy. Tagburos, habang nag-aamok ang lasing na suspek ay paulit-ulit na binabanggit nito na iniwan siya ng kanyang asawa.
“Sa mga nakuha nating impormasyon, walang makalapit sa kanila, dahil may hawak siyang kutsilyo, habang sinasabing iniwan siya ng kanyang asawa,” pahayag ni Gaid.
Kaugnay nito, ang suspek ngayon ay nasa kustodiya na ng PS 1 at nakatakdang sampahan ng kasong murder.
