Mahigit 300 mangrove propagules ang itinanim ng mga kawani ng Special Boat Unit (SBU) ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) katuwang ang mga residente ng Barangay Taratak, bayan ng Bataraza, sa isinagawang mangrove planting sa baybayin ng nasabing barangay noong araw ng Miyerkules, Oktubre 27.
Ayon kay P/Lt. Anna Viola Abenojar, community relations officer ng maritime police sa lalawigan, ang aktibidad ay regular nilang ginagawa sa iba’t ibang munisipyo sa bahaging sur ng Palawan kada buwan bilang bahagi ng kanilang programa sa pangangalaga ng kalikasan at ng karagatan.
Layunin nitong patuloy na palaguin at dagdagan ang bilang ng mga mangrove sa lalawigan upang maging tahanan at paitlugan ng mga isda at iba pang yamang-dagat.
“Ang purpose natin dito sa monthly mangrove planting ay upang mapanatiling vegetated ang ating mga mangrove areas sa Palawan dahil thousands of marine species ay nagre-rely sa mga mangroves natin as their habitat,” pahayag ni Abenojar.
Dagdag niya, ito ay magsisilbi ring proteksyon laban sa mga malalakas na alon at bagyo para sa mga residente na nakatira malapit sa baybay-dagat at upang hindi masira ang dalampasigan.
Ayon pa kay Abenojar, patuloy nilang isasagawa ang monitoring at evaluation sa lugar upang matiyak na mabubuhay at lalago ang mga itinanim na bakawan.
“Isa rin sa ating mandato na inatas ng Philippine National Police (PNP) ay proteksyonan ang ating maritime environment at hindi lang ito basta itatanim natin. Ito ay ating aalagaan at ime-maintain to ensure na mabubuhay ang ating mga tinanim na mangroves,” paliwanag niya.
