Nagpadala na ng team ang 2nd SOU-MG sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea para tumulong sa pagpapatupad ng maritime laws sa lugar.

Isang team ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) ang naglalayag ngayon patungo sa Pag-asa Island sa islang bayan ng Kalayaan sa West Philippine Sea (WPS) upang maging karagdagang puwersa sa mga sundalo na nakatalaga doon.

Umalis ang grupo sakay ng BRP Dagupan ng Philippine Navy (PN) noong araw ng Linggo, Mayo 23, dala ang ilang kagamitan para sa kanilang pagpapatrolya sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

Ayon kay P/Lt. Anna Abenojar, tagapagsalita ng 2nd SOU-MG, maliban sa nauna nang umalis na team ay magpapadala pa sila ng karagdagang tropa para sa itatayong himpilan sa Pag-asa island.

“Yung mga susunod na batch na ipapadala natin doon, tinulungan na tayo ng higher headquarters sa Maritime Group. Nagbigay sila sa atin ng personnel na ipapadala natin doon, ilan dito ay ang mga tatao din sa ilalagay naming station doon,” pahayag ni Abenojar.

Aniya, ang naunang team na ipinadala sa WPS ay bilang karagdagang puwersa ng maritime security kasama ng Phillipine Navy, at magde-deliver ng mga supplies para sa mga government forces na nasa area.

Ito rin ang unang beses na nagpadala ng tauhan ang 2nd SOU-MG sa lugar sa kabila ng pahirapan ngayon at kakulangan sa tauhan dahil na rin sa COVID-19 .

“Kabawasan din talaga sa mga personnel natin dito sa headquarters. Ang ginawa na lang namin, kumuha na lang kami ng mga tao sa mga detacthment para mabuo ang isang team at hindi masyadong maramdaman ang kabawasan at hind maapektuhan ang mga law enfocement operation namin, dahil sa kakulangan sa tao naming sa headquarters,” ani Abenojar.

Dagdag niya, ang naunang umalis na team ay malaking tulong sa ibang law enforcement agency, kaya naman umaasa din ang pamunuan ng maritime na madagdagan ang kaalaman at kakayahan ng kanilang mga tao kaugnay sa naval customs at tradition.

“Ang unang tropa natin na na-deploy ay mga ship-rider kasama ang Philippine Navy. Hindi sila mag i-station sa Pag-asa. Kung saan pupunta ang barko ng navy ay kasama sila lagi, makakatuwang sila ng mga Navy,” paliwanag niya.

Previous articleMiss Palawan Earth 2021 not joining national competition
Next articleRescued fishermen in Nares Bank sent home to Mindoro
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.