Inirereklamo at pinapanawagan ngayon ng mga residente ng Purok Sampaguita, Barangay Pulot Shore sa bayan ng Sofronio Española ang maputik at baku-bakong bahagi ng kalsada rito na nasa isang kilometro ang haba at ilang buwan na nilang dinadaanan.
Ayon kay Ivan Pactao, residente ng Purok Sampaguita, matagal na nilang ipinarating ang problema sa mga opisyales ng barangay ngunit ang naging aksyon lamang ay pinuntahan ito at tiningnan.
Dagdag niya, buwan pa ng Nobyembre nang magsimula nilang maranasan ang sobrang putik sa nasabing kalsada dulot ng walang patid na buhos ng ulan. Kapag panahon naman ng tag-init ay ang makapal na alikabok ang kanilang problema.
“Sabi nila, papainitin lang daw panahon. Ngayon baka abutin na naman ng tag-ulan, mahihirapan na naman ang mga taga-looban,” pahayag ni Pactao. “May pumapasok kasi na mga truck at private vehicles kaya nagkaganon na yung sira ng daan sa amin. Sobrang hirap talaga, maputik at maalikabok,” dagdag niya.
Ayon pa kay Pactao, ang sitwasyon ng kalsada ay nagpapahirap sa mga residente na magdala ng kanilang mga produktong gulay at prutas palabas upang ibenta sa bayan.
“Kahit matambakan lang sana para maging maayos ang kalsada,” himutok niya.
Ayon naman kay punong barangay Atika Abirin ng Pulot Shore, buwan ng Disyembre, noong nakalipas na taon nang sila ay magpadala ng request sa lokal na pamahalaan ng Sofronio Española upang ito ay matambakan ng graba at mapatag at maisaayos ngunit ayon sa municipal ngineering office, ang mga heavy equipments ng munisipyo ay may ginagawa pa ibang barangay.
“Alam naman natin na wala tayong sariling equitment. Noong December pa ang request namin, pero magpo-proceed na daw dito this month of January,” paliwanag ni Abirin.
Sa ngayon ay humihingi ng pang-unawa si Abirin sa mga residente ng Purok Sampaguita sa nararanasang problema sa kanilang daan at ayon sa kanya ay patuloy siyang makikipag ugnayan sa lokal na pamahalaan upang mabigyang lunas ang problema sa kalsada.
