SAN JOSE, Occidental Mindoro — Nagsama-sama kamakailan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang isulong ang malinis at mapayapang halalan sa lalawigan sa darating na Mayo.
Ito ay sa pamamagitan ng pagdaraos ng Unity Walk, Inter-Faith Prayer Rally at Peace Covenant Signing sa Camp Winston Ebersole sa bayan ng San Jose.
Ayon kay PS Supt Joseph Bayan, Philippine National Police (PNP) Provincial Director, iisa ang mithiin ng mga nais manungkulan sa lalawigan. “Lahat ay nais na mapaunlad ang kabuhayan ng ating mga mamamayan,” saad ni Bayan. Hangad ng opisyal na ang mithiing ito ay magsilbing daan sa pagkakaibigan ng mga kandidato.
Sinabi naman ni Chona Magpantay, Commision on Elections (COMELEC) Election Officer, na ang paglagda ng mga partido sa covenant ay indikasyon ng kanilang paninindigan na itaguyod ang isang maayos at kapanipaniwalang halalan.
Samantala, hinikayat ni Memviluz Baurile, Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) ng bayan ng San Jose, na magtulungan ang mga ahensya at iba’t ibang sektor.
“Nais ng aming tanggapan (DILG) na magkaroon ng kalayaang pumili ng mga mamumuno ang taumbayan,” pahayag ni Baurile. Aniya, malaki ang kanilang paniniwala na magpapatuloy na maglingkod ng tapat at buong husay ang mga mananalong kandidato sa halalan sa May 2019.
Kabilang sa mga dumalo ay ang religious sector, academe, media at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)