Mga larawan mula kay Kap. Ryann Abella

Nasawi ang isang 32 anyos na mangingisda sa Sityo Maremegmeg, Barangay Corong-Corong sa bayan ng El Nido matapos mabagsakan ng puno ng buri ang tinutuluyang kubo nito, Lunes ng umaga, sa kasagsagan ng bagyong Quinta.

Ayon kay Raymond Osorio, ang pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa El Nido, ang biktima ay si Alshalam Baronda, residente ng Brgy. Aberawan sa kanilang bayan.

Aniya, dahil sa magdamag na ulan ay posibleng lumambot ang lupa kaya bumigay at bumagsak ang puno ng buri sa kubo ni Baronda.

“Medyo bulubundukin ang area kung saan nakatayo ang kubo niya. Dahil sa lakas ng ulan magdamag dahil sa bagyo, siguro dahol malambot na po ang lupa ay na-uproot ang ugat saka bumagsak,” pahayag ni Osorio.

- Advertisement -

Isinugod pa ang biktima sa El Nido Adventist Clinic pero binawian din ito ng buhay dahil sa ulo ito tinamaan ng pagbagsak ng puno.

“Pinuntahan pa ng mga tauhan natin ang lugar matapos na matanggap natin ang tawag na mayroon ngang nabagsakan ng puno tapos may tama daw sa ulo. Pero pagdating natin sa area dinala na siya ng mga residente sa clinic,” dagdag nito.

 

Previous articleCrime in the high seas
Next articleGSIS opens P20B ‘Study-Now, Pay-Later’ loan scheme for members’ kins
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.