Isa sa mga bangkang nasabugan ng dinamita na ikinamatay ng isang mangingisda sa karagatang sakop ng Barangay Indalawan, Balabac.

Patay ang isang mangingisda, habang dalawa pang kasamahan nito ang sugatan, dahil sa paggamit ng dinamita sa karagatang sakop ng Barangay Indalawan, Balabac bandang alas 10 ng umaga ng unang araw ng Abril.

Ang 18 anyos na binawian ng buhay ay kinilalang si Bayboy Ticar, habang ang dalawang kaanak nito na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan sa bayan ng Brookes Point, ay kinilalang sina Magkaria Asmad, 32, at Abdal Tibing, 19.

Ang dalawa dito sa kanilang tatlo ay kapwa residente ng Brgy. Melville habang ang isa naman ay residente ng Lucbuan, Mangsee.

Sa panayam ng Palawan News kay kapitan Habiron P. Bacar ng Indalawan, bago ang nangyari sa tatlo ay nagkaroon pa ng pagpupulong sa Melville at isa ang pangingisda gamit ang dinamita ang naging paksa dito.

Aniya, binigyan niya ng diin na bawal ito, ngunit tila hindi siya pinakinggan.

“Nagkaroon pa kami ng barangay assembly, nabanggit ko din ang mga pamamaraan ng iligal na pangingisda, mabilis man kasi ang paghuli. Pero kapag minalas-malas kayo, sabi ko sa kanila, mabilis din ang buhay natin,” pahayag ni Habiron.

Ayon pa sa kanya, naiintindihan niya ang hirap ng paghahanapbuhay sa kanilang lugar pero hinihikayat niya ang mga ito na mangisda sa ligal na pamamaraan o bumili ng lambat na magagamit, para sa mas ligtas na paghahanapbuhay.

Matapos din nitong ipagbawal ang pangingisda gamit ang dinamita sa kanilang barangay, napansin nito ang ibang mga residente na dumayo pa sa ibang barangay para doon mangisda.

“Binanggit ko na sa mga tao na huwag na mag-illegal fishing dahil bawal at konti na lang ang isda natin. Tapos nagbongbong naman sila sa ibang barangay,” dagdag pahayag niya.

Kaugnay nito, mas paiigtingin ng mga tauhan ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group ang kanilang pagpapatrolya sa mga karagatang sakop ng Balabac kung saan talamak talaga ang iligal na pangingisda.

“As of now, continuous at mas paiigtingin namin ang seaborne patrol and law enforcement operations para ma-address ang problema diyan sa Balabac,” ayon sa tagapagsalita ng 2nd SOU-MG na si P/Lt. Anna Viola Abenojar.

Hindi rin umano naireport sa mga awtoridad ang nangyari sa tatlong mangingisda, na ayon sa maritime police, ay dahil sa takot na rin dahil sa kanilang iligal na pangingisda.

Previous articleCapitol cuts down workforce due to COVID rise in city
Next articleConfusion cleared on new Covid case listing for Araceli and Brooke’s Point
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.