NARRA, Palawan — Nakatakdang bumalik ng Pilipinas sa darating na Sabado ang mangingisdang na-stranded sa Vietnam na si Joseph Troyo, residente ng Barangay Panacan sa bayan ng Narra.
Ayon kay Yago Olaguera, vice consul ng Pilipinas sa Vietnam, isasabay si Troyo sa mga Pinoy na ire-repatriate mula Vietnam.
“Hawak na ng consul ng Vietnam si Troyo. Schedule sya i-biyahe ng Manila bukas (April 18). Mananatili muna sya sa Manila habang hawak ng ating gobyerno at habang wala pang biyahe papuntang Palawan,” ayon kay Lemuel Mante, Executive Assistant 1 ng bayan ng Narra.
Ito ay matapos maging mabuti ang kanyang kalagayan bunsod ng pagka-admit niya sa isang hospital sa bansang Vietnam noong Pebrero.
Si Troyo ay na-rescue ng awtoridad ng bansang Vietnam matapos napadpad sa isang remote island ng Vung Tau probinsya ng Ba Ria Vung Tau noong Pebrero 23 matapos masira ang kanyang sinasakyang bangkang pangisda.
Umalis si Troyo sa bayan ng Rizal kasama pa ang dalawang mangingisda ngunit sya lamang ang nakaligtas at hindi pa nakikita ang dalawa.