Inihayag ni Mayor Mary Jean Feliciano na hindi na sasailalim sa home quarantine ang mga mamamayan ng Brooke’s Point na uuwi galing sa Puerto Princesa.

Sa panayam ng Palawan News kay Feliciano ngayong Biyernes, Pebrero 19, sinabi niyang nag-usap sila ni Coralyn Atienza, ang municipal local government officer, kung saan ipinaliwanag sa kanya na hindi kailangan sumailalim sa home quarantine ang mamamayan sa lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ) ang status.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng pagbawi ng alkalde sa inilabas na executive rrder para sa home quarantine kamakailan.

“Kinausap tayo ng DILG officer [at ipinaliwanag sa atin] na nasa MGCQ na tayo ngayon kaya hindi na kailangan ang home quarantine kaya binawi natin ang EO,” pahayag ni Feliciano.

- Advertisement -

Idinagdag niya na maghihigpit na lamang sa pagpapatupad ng health protocols sa mga lalabas at papasok sa bayan upang matiyak na hindi magkakaroon ng panibagong kaso ng COVID-19 sa bayan.

“Hihigpitan na muna natin ang mga nagta-travel, kailangan ang mga essential travel na muna ang ating papayagan katulad ng mga nagdadala ng pagkain mula rito o mula sa Puerto at iyong mga nagpapagamot,” aniya.

Nanawagan  din si Feliciano para sa pakikiisa ng mga mamamayan hindi lamang sa bayan ng Brooke’s Point kundi sa mga karatig munisipyo na iwasan muna ang mga hindi importanteng lakad.

“Sana ay makipag-cooperate ang mga mamamayan mula sa Puerto pati sa ibang bayan,  iwasan muna ang mga lakad na hindi importante  dahil kapag nagkasakit kayo pati ang inyong pamilya ay madadamay,” paliwanag niya.

Ipagbabawal din ang mga malalaking pagtitipon, sabi ng alkalde.

“Ipagbabawal din muna natin ang mga social gatherings tulad ng kasal o birthday dapat limitado lang ang tao,” dagdag pa ni Feliciano.

Samantala,  ipagpapatuloy pa rin ang Tabuan sa araw ng Lunes subalit mahigpit na ipapatupad ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.

Previous articleFive-time Grammy Award winner American bassist Victor Wooten to hold virtual masterclass
Next articleSPM calls for Bayubay inhibition in plebiscite
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.