Ang NYOFEC sa bayan ng Narra na nagtanim ng malunggay seedlings sa Barangay Antipuluan, Narra. | Larawan mula sa Philippine Cockatoo Conservation Program Facebook account.

Mahigit 50 malunggay seedlings ang itinanim ng isang grupo ng kabataan sa bakuran ng Katala Institute sa Barangay Antipuluan, Narra, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Internationl Youth Day noong araw ng Huwebes, August 12.

Ang malunggay planting ay isinagawa ng Narra Youth Organization for Environmental Conservation (NYOFC) upang ipakita ang kahalagahan ng Malunggay na pangunahing pagkain ng ibon na Philippine cockatoo o katala na nakatira sa Rasa Island sa nasabing barangay.

Ang NYOFEC sa bayan ng Narra na nagtanim ng malunggay seedlings sa Barangay Antipuluan, Narra. | Larawan mula sa Philippine Cockatoo Conservation Program Facebook account.

Ang Rasa Island ay isang protected area na pinangangasiwaan ng Katala Foundation Inc. (KFI) sa ilalim ng Philippine Cockatoo Conservation Program (PCCP).

Ayon kay Andrea Socrates, presidente ng NYOFEC, bilang isang grupo ng kabataan sa kanilang bayan ay nais nilang makatulong sa cockatoo preservation and conservation program ng bayan, sa pamamagitan nang pagtatanim ng malunggay na nagsisilbing pagkain ng ibon.

Dagdag niya, mahalagang magkaroon ng maraming puno nito sa paligid ng isla upang hindi mahirapan ang mga katala na maghanap ng makakain. Delikado rin umano para sa mga ibon ang lumayo dahil may ilang indibidwal ang patuloy na nanghuhuli nito na isang dahilan kaya bumababa ang populasyon ng mga ito.

“Naki-celebrate po kami bilang youth volunteer under Katala Foundation, sa international youth day, kaya nag-conduct po kami ng Malunggay planting for the purpose na rin na makatulong sa mga Katala natin sa ating probinsya,” pahayag ni Socrates.

Hiling ni Socrates sa kaniyang kapwa kabataan sa bayan ng Narra na sana ay pahalagahan ang katala at huwag hulihin kung sakaling makakita nito sa mga bakuran upang tumaas pa ang populasyon nito.

“Hinihikayat ko sila na magbigay ng oras kahit sa ating mga tahanan man lamang na magtanim ng malunggay o kahit anong puno dahil ito rin ay makakatulong sa environment which is ang mga puno ang nagbibigay ng oxygen upang tayo ay mabuhay. Ito rin ay magiging food source ng Katala natin, yong mga bunga ng malunggay,” dagdag ni Socrates.

Magugunitang sa pagdiriwang ng 15th Katala Festival sa bayan ng Narra noong buwan ng Hunyo, daan-daan Malunggay seedlings ang itinanim ng Rasa Island Protected Area Management na pinangunahan ni Protected Area Superintendent Pablo Cruz, sa Antipuluan at Panacan bilang highlight ng aktibidad.

About Post Author

Previous articleNavforwest joins SEACAT 2021 to address shared security challenges in maritime domain
Next articleCapitol hosts IPMR convention
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.