| Larawan mula kay Fred Odronia

SAN VICENTE, Palawan — Bumaba na ang Malnutrition Prevalence Rate (MPR) sa bayan na ito ngayong taong 2021, na naitalang pinakamababa sa nakalipas na sampung taon, ayon sa datos na nakalap ng Municipal Nutrition Office (MNO).

Ayong kay Rodrigo Cipriano Jr ., municipal nutrition officer, sa resulta ng isinagawang Operation Timbang ngayong taon sa 2,845 pre-schoolers o mga batang may edad 0 hanggang 59 na buwan, 69 ang bilang ng mga bata ang naitalang malnourished o may mababang timbang ayon sa edad (weight for age status).

Ayon kay Cipriano, taun-taon ay naitatala munisipyo ng pagbaba sa bilang ng malnourished pre-schoolers.

Sa kanilang talaan, ang munisipyo ay mayroong 2.8% MPR noong taong 2020 at 3% MPR noong taong 2019. Ang mga datos na ito ay patuloy na bumaba mula sa sa 9.6% MPR na naitala noong taong 2011 at 8.62% MPR noong 2012.

Dagdag pa ni Cipriano, patuloy na tinutugunan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang pangangailangan ng mga bata sa nutrisyon sa pamamagitan ng mga programa tulad ng pagbibigay ng infant supplementary mixture (insumix) at iba pang intervention na isinasagawa ng Barangay Nutirition Council (BNC).

“Ang pinaka-strategy natin dito sa San Vicente ay ‘yung insumix.  Tayo lang ang nag-maintain niyan sa buong Palawan na regular tayong nagbibigay ng insumix. Binibigyan natin ang mga malnourished,” pahayag ni Cipriano.

Ang mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars (BEANS) ang nagsisilbing katuwang ng pamahalaang bayan sa pamamahagi ng insumix sa mga batang nangangailangan.

“Ang pagbibigay namin ay pagitan ng sampung araw o one month depende kung ilan ang supply natin. Continuous iyan. Sinu-supplyan talaga natin sila,” dagdag niya.

Regular din umanong nagsasagawa ang mga BNC ng pagpupulong upang pag-usapan ang resulta ng isinasagawang Operation Timbang (OPT) at kung papaano tutugunan ang kakulangan sa nutrisyon ng mga batang nasasakupan.

“Tinatalakay sa pagpupulong kung ano ang mga dahilan kung bakit nagiging malnourished ang isang bata at kung ano ang nakikitang problema sa bahay. Kung baga i-address mo ang problema ng bata,” saad ni Cipriano.

Dagdag pa niya, malaki ang naitutulong sa pagpapataas ng timbang ng mga pre-schoolers ng isinasagawang feeding program ng Non-Government Agencies (NGAs) at ng mga programang ipinapatupad ng iba pang opisina ng Pamahalaang Bayan.

Noong ika-2 hanggang ika-3 ng Marso ay sumailalim ang bayan ng San Vicente sa monitoring and evaluation of local level plan implementation (MELLPI) ng mga programang pangnutrisyon.

“Tayo ay Green Banner awardee na simula 2014 hanggang 2018. Ang in-evaluate atin ay 2019. Kasi noong 2020 ay nagkaroon ng pandemya kaya hindi natuloy ang evaluation,” ani Cipriano.

Ginawaran din ang bayan ng San Vicente ng CROWN Award dahil sa limang magkakasunod na taon na itong kinikilala bilang Green Banner awardee.

Ani Cipriano, ang paggawad ng Green Banner Award ay nangangahulugang “ang munisipyo natin ang may pinakamagandang practice ng nutrition program sa buong Palawan.”

Samantala, ang San Vicente ay nakapagtala rin ng 3.0% prevalence batay sa weight for height status at 8.6% prevalence batay sa height for age status ng mga pre-schoolers ngayong 2021. Mababa ito kumpara sa mga datos noong taong 2020 na may 6% at 13% prevalence.

Previous articleOnline petition targets Coron-Culion inter-island bridge
Next article3rd Palawan District Office turns over 3 ambulance vehicles to Puerto Princesa and Aborlan town
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.