Malampaya gas project contract extension, pinag-uusapan na ayon sa DOE

Inihayag ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa naganap na Kasama sa Pamana: Pre-SONA Series kanina sa lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro na pinag-uusapan na nila ang posibleng pagpapalawig ng operasyon ng Malampaya Gas to Power Project sa Palawan. | Screenshot mula sa ginanap na Pre-SONA Series sa Calapan

Pinag-uusapan na ang posibleng pagpapalawig sa operasyon ng Malampaya natural gas project, ito ang inihayag ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa naganap na Kasama sa Pamana: Pre-SONA Series noong Mayo 25 sa lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Cusi, magtatapos na kasi ang kontrata sa taong 2024.

“Sa ngayon pinag-uuspaan namin yung ‘extension’ ng Malampaya service contract 38, yung gas na sinasabi nating nanggagaling sa Palawan na nagbibigay enerhiya sa Luzon at sa Visayas,” saad ni Cusi.

Aniya, inaayos na nila ngayon ito para magtuloy-tuloy ang pagkuha ng natural gas.

Batay sa website ng DOE, nag-umpisa ang ‘commercial operation ng Malampaya gas project noong taong 2001.

Samantala, kinumpirma rin ni Cusi na nagkaroon na rin sila ng ‘road show’ dito sa bansa at sa ibang bansa kung saan inimbitahan nila ang lahat ng ‘exploration company’ na nagnanais na magkaroon ng negosyo sa Pilipinas para naman sa pagtuklas ng langis sa iba pang bahagi naman ng West Philippine Sea.

Sa katunayan aniya, mayroon nang napirmahan si Pangulong Rodrigo Duterte na service contract para sa isang Israeli exploration company habang may apat pang ibang service contract ang nakatakdang pirmahan para ang eksplorasyon ay magtuloy-tuloy.

“Dahil yun ang kagustuhan ng ating pangulo na ma-enjoy na ng Pilipino ang mga natural resources na available – gas at oil”, dagdag pa niya. (MCE/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry