Inaasahang matatapos na ngayong Marso ang konstruksyon ng Cagayancillo Reverse Osmosis Desalination Plant na magbibigay ng malinis at ligtas na inuming tubig para sa mga residente ng naturang bayan.
Ang nasabing proyekto ay ang pinakamalaking reverse osmosis desalination plant sa buong Palawan kung saan ang tubig alat ay magiging “high quality potable water.”
Ito ay pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng kabuuang halaga na P60 milyon mula sa General Fund sa ilalim ng pamunuan ni gobernador Jose Alvarez.
Inaasahan ding mapapasinayaan agad ito kapag natapos dahil magdudulot ito ng malaking tulong at kaginhawaan sa mga residente ng nasabing bayan.
Samantala, mayroon ding iba pang proyektong naisakatuparan ang pamahalaang panlalawigan sa bayan ng Cagayancillo tulad ng 3-in-1 large scale Rural Health Unit (RHU), covered courts, at iba pa.
Ang Cagayancillo na may kabuuang populasyon na 6,884, ayon sa 2020 Census of Population ng Philippine Statistics Authority (PSA), ay isa rin sa mga pinaka malayong isla ng Palawan, at dito matatagpuan ang kilalang Tubbataha Reefs Natural Park. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
