Ang malaking lapu-lapu na nakawil ni Peter Beldeniza, residente ng Brooke's Point. (Larawan mula kay P. Beldeniza)

Biyaya kung ituring ng pamilya ng mangingisda na si Peter Beldeniza ng bayan ng Brooke’s Point ang makawil niya at mahuli ang isang malaking lapu-lapu na may timbang na 123 kilos at naibenta niya ng mahigit P19,000.

Ayon kay Peter, nahuli niya itong mag-isa sa karagatan malapit sa Pirates Island sa bayan ng Bataraza noong gabi ng Mayo 3 matapos siyang maglayag upang mangawil mula sa Old Camp sa Brooke’s Point noong hapon ng Mayo 2.

“Mag-isa lang ako na naglaot alas dos ng May 2. Pagdating ng gabi, nakahuli ako ng dugso. Gabi ng kinabukasan (Mayo 3), ang tagal, walang kumakagat sa pain ng kawil ko. Siguro walang isda kasi nabulabog niya (lapu-lapu). Mga bandang 10 na, may kumain sa kawil ko — tulingan ang pain ko, mga kalahating kilo. Pag-arya ko ng kawil, tinali ko sa palatik, tapos umikot na ang nylon,” kuwento ni Beldeniza.

Matapos itong mahuli ay tinalian na lang niya sa panga ang lapu-lapu sa tabi ng bangka at hindi na ito iniakyat dahil hindi na niya kayang buhatin ito mag-isa sa bigat ng timbang.

- Advertisement -
Ang mangingisda na si Peter Beldeniza sakay ng kanyang banka.

Aniya, hindi niya mawari kung anong tuwa ang kanyang naramdaman na may kahalo din na nerbiyos dahil mag-isa lang siya sa kanyang bangka. Madilim pa ang kanyang paligid at wala na rin halos charge ang baterya ng kanyang ilaw.

“Hindi ko na siya kayang iakyat sa bangka, tinali ko na lang tatlong lubid sa panga ng isda saka hinila ko patabi. Masaya ako at nagpapasalamat sa Panginood dahil nabigyan ako ng biyaya,” pahayag pa ni Beldeniza.

Hindi ito ang unang pagkakataon na si Peter ay nakakawil ng malaking lapu-lapu. Sa kuwento niya, noong 2018 ay nakahuli rin siya nito sa karagatan ng Brooke’s Point na ang timbang ay umabot ng 40 kilos, at naibenta niya sa halagang aabot sa P4,000.

“Pag may ganitong biyaya po, malaki ang pasasalamat namin sa Panginoon. Doble ang blessing namin kasi katatapos lang ng anak namin mag-training sa Philippine Coast Guard (PCG), kaya medyo nagkautang din kami. Kaya ngayon na may panibagong blessing, magbabawas na kami ng mga utang namin,” pahayag niya.

Previous articlePSU opens basic obstacle course training for local trainers
Next articleFour PSU grads pass midwifery exams
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.