Itinalaga bilang bagong commanding officer (CO) ng Marine Battalion Landing Team-4 (MBLT-4) na naka-base sa Camp Daypo sa Barangay Abo-Abo, Sofronio Española, si Maj. Glenn E. Llorito noong araw ng Lunes, Hulyo 12.
Sa isang Change of Command Ceremony na pinangunahan ni Col. Jimmy D. Larida, commander ng 3rd Marine Brigade, isinalin ni Maj. Rafael Naranjo na nanungkulan bilang CO sa loob lamang ng isang buwan, ang pamumuno ng MBLT-4 kay Llorito. Binigyang pagkilala rin ni Llarida ang mga nagawa ni Llorito sa pamumuno nito sa iba’t-ibang posisyon sa Philippine Marine Corps (PMC).
Dumalo sa seremonya Sina Brig. Gen. Robert I. Velasco, commander ng Jonit Task Force Malampaya (JTFM), Commo. Donn Anthony L. Miraflor, commander ng Naval Forces West, at mga unit sa ilalim ng Joint Task Force Peacock.
Dumalo rin sina Mayor Joselito O. Ayala ng Quezon, Vice Mayor Rona Chou ng Sofronio Española, at iba’t-ibang representante ng pribadong sektor.
Bago naitalaga bilang CO ng MBLT-4, si Llorito ay nagsilbi siya bilang deputy commander ng Force Reconnaissance Group at Brigade Operations Officer (G3) ng 3rd Marine Brigade; Operations Officer at Executive Officer ng Marine Battalion Landing Team-8; Intelligence Officer, Company Commander, Executive Officer at Platoon Commander ng Force Reconnaissance Group.
Ayon sa kanya, kailangang maging mas agresibo sa pakikipag-ugnayan sa mga iba’t-ibang stakeholders at mga pribadong sektor upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa Timog Palawan.
