Patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon kaugnay sa pagbisita ng mga kaanak ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa Brooke’s Point District Jail (BPDJ) at maging sa mga personnel, bilang bahagi ng health and safety protocols kaugnay pa rin sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa bayan.
Ayon kay Jail Officer I May Rose Rosel, tagapagsalita ng BPDJ, noong magsimula ang pandemya noong Marso 2020 ay agad na isinagawa ang istriktong pagpapatupad ng safety protocols kaugnay sa pagsasagawa nang dalaw sa loob ng piitan kabilang ang pagsasagawa ng e-Dalaw, bilang pagtalima sa kautusan ng Department Of Health (DOH) at ng Beureu of Jail Management and Penology (BJMP).
Bilang bahagi ng patakaran, naglagay ang pamunuan ng cubicle na mayroong plastic barrier sa pagitan ng isang PDL at pamilyang dadalaw dito. Ni-require ang pagsuot ng facemask at ang face shield upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa na hanggang ngayon ay ipinapatupad.
“Nakadepende naman ang e-dalaw natin sa internet signal, pero naisagawa rin natin ito. Isa rin po ito sa paraan ng BJMP na magkaroon ng virtual na dalaw ang PDLs at pamilya, as we continue our duties bound by BJMP mantra, we also pledge to keep our personnel and PDLs safe from any harm particularly from COVID 19 sa ilalim ng ating Jail Warden J/SInsp Darwin Motilla,” pahayag ni Rosel.
Kaakibat ng health support program na ito ang pagbibigay ng iba’t ibang vitamins sa kanilang mga PDL upang mapalakas ang kanilang immune system laban sa virus.
Sa kasalukuyan, mayroong 373 na mga lalaki at 28 babaeng PDL ang nasa pangangalaga ngayon ng BPDJ.
