Mahigit P170,000 halaga ng kagamitang pang-iskwelahan ang natangay ng mga hindi nakilalang suspek sa Trinidad Cario Elementary School (TCES) sa Sityo Linapawan, Barangay Dumarao sa bayan ng Roxas, nitong araw ng Huwebes, Abril 29.

Kabilang sa mga natangay ng magnanakaw ang dalawang portable generator na nagkakahalaga ng P7,900 at P13,000; isang headphone na may halagang P1,200; audio mixer na P6,495; isang 500-watt AVR na may halagang P1,500; pitong Hewlet Packard HP brand tablets na P20,000 bawat isa; isang box ng mineral water, P288; isang plastic drum, P1,500 at 30 piraso ng Safeguard na sabon na may halagang P450. Sa kabuuan ay umabot sa P172,333 ang halaga ng mga nakuha ng magnanakaw.

Ayon kay P/Maj. Erwin Carandang, hepe ng Roxas Municipal Police Station (MPS), bandang alas dos ng hapon nang pumunta sa kanilang himpilan si Rosie Paigma Faviano, head teacher ng naturang paaralan, para i-report ang naganap na pagnanakaw.

Sa kasalukuyan ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang krimen kung saan, naunang nakita na sinira ng mga magnanakaw ang door knob at padlock ng silid-aralan, para makapasok.

“Pagdating namin doon ay nakabukas na. Dalawa ang pintuan na kabilaan. Una iyong first layer na pintuan ay sinira iyong door knob at saka padlock. Sumunod ay meron pang secondary door na bakal, sinara iyon at ginamitan ng bara kasi nakabakat pa sa pintuan iyon. Parehong harap pero ang pinto ay magkabilaan lang, bawat pinto ay may double door pero iyong kabilang door lang ang sinira,” paliwanag ni Carandang.

Wala namang may napansin na kahina-hinalang mga indibidwal ang mga guro bago nangyari ang insidente kaya ganoon na lamang ang kanilang pagtataka kung bakit sila nalooban.

Sinabi rin ng mga ito na may ilang mga guro sa nasabing eskwelahan ang  huling naiwan bago nangyari ang insidente subalit siniguro naman ng mga ito na isinara ng maayos ang lahat ng pinto bago sila umalis.

“Wala naman silang napansin na kahina-hinalang tao o pabalik-balik doon kaya nahihirapan  sila na ma-identify iyon. Tinanong ko rin kung sinong huling mga teacher na nadoon ang sabi naman nila sinigurado naman nai-lock ng maayos ang mga room,” ani Carandang.

Pinahayag rin ni Carandang na medyo malayo sa mga kabahayan ang eskwelahan at wala rin itong bantay, at dahil hindi naman ito nananakawan noon ay hindi ito masyadong mahigpit sa pagbabantay sa gate .

“Wala silang guard, isa pa kahit along the highway iyon at medyo malayo ang mga bahay doon at nasa bundok po iyon,” dagdag ni Carandang.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente. Nanawagan din ito sa social media at sa kanilang mga kababayan na kung may magbenta sa kanila ng nabanggit na mga gamit ay ipagbigay alam agad sa kanila.

“Umaapila kami sa mamamayan ng Roxas na kung may mamonitor silanga nagbebenta ng mga bagay na kabilang sa items na nawala, naipost na rin namin sa Facebook, ay ipagbigay-alam agad sa amin para makapag-conduct ng imbestigation kung iyon ay mga bagay na nawala sa school ng Dumarao,” ani Carandang.

Previous articleEl Nido closes borders, bans entry of even local tourists
Next articleSuspek sa pang-aabuso at panggagahasa, arestado sa Agutaya