ROMBLON, Romblon — Mahigit 300 banyagang turista na sakay ng luxury cruise ship na MS Silver Shadow ng Silversea Cruises ang bumisita noong ika-29 ng Enero sa isla ng Romblon.
Ayon kay Kim Anthony Faderon ng Romblon Provincial Tourism Office, ito ang unang cruise ship na bumisita sa lalawigan ng Romblon ngayong taon.
Sinabi pa nito na regular ang schedule ng nasabing barko sa lahat ng kanilang Asian cruise na dadaan sila ng lalawigan ng Romblon.
Taon-taon aniya ay may cruise ship na dumadaong sa Romblon upang masilayan ang mga ipinagmamalaking atraksiyon ng kabisera ng lalawigan at laging nakahanda ang kanilang mga Department of Tourism (DOT) accredited tour guides upang samahan ang mga turista sa paglilibot dito.
Ang mga turistang dayuhan ay namasyal sa mga white beaches ng Romblon, nag-island hopping, nagtungo sa mga pagawaan ng marmol, namili ng mga marble souvenirs o novelty items at nag-ikot sa mga makasaysayang lugar sa nabanggit na bayan.
“Naging mainit ang pagtanggap ng Romblomanon sa mga dayuhang turista kung kaya’t labis na nagpasalamat ang mga ito sa atin dahil sa maayos na koordinasyon at magandang pakikitungo ng mga tao dito sa kanila,” pahayag ni Faderon.
“May mga darating pang cruise ship sa susunod na mga buwan dito sa Romblon kung kaya malaking bagay ito sa industriya ng turismo at ekonomiya ng ating probinsiya,” pagtatapos na pahayag ni Faderon. (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)