Nasa 20,829 food packs na ang naipamahagi sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Roxas na isa sa mga matinding pininsala ni Typhoon Odette, ayon sa pamahalaang bayan.
Ayon kay municipal administration officer Vic Lagera, as of December 30, aabot na sa 98 percent ng mga residente ng Roxas ang nabigyan ng food packs, samantalang patuloy pa rin ang ginagawang repacking para sa karagdagang distribusyon.
Ang ayuda ay mula sa lokal na pamahalaan ng Roxas, national government agencies, provincial government of Palawan, non-government organizations, at iba pang mga institusyon.
“Ikinagagalak namin na ibalita sa inyo na 98 percent na ng tahanan ng mga Roxaseño ang napagkalooban na ng ayudang food packs para sa 1st wave at ilang bahagi na rin ang napagkalooban na para sa 2nd wave,” ayon kay Lagera.
Nagpapasalamat ang lokal na pamahalaan sa lahat ng tumulong at buong-pusong nagbigay ng serbisyo para sa ikabubuti ng bawat pamilya sa Roxas, ayon pa sa kanya.
Para sa nais magpaabot ng tulong at donasyon, maaaring makipag-ugnayan sa mga kawani ng MSWDO na sina Rose Macatangay sa numerong 09465578780/09655309394 at si Rafaelita Juan sa numerong 09263052687.



