Umabot na sa mahigit 200 motorsiklo ang naka-impound ngayon sa Rizal Municipal Police Station (MPS) at sa mga Barangay Hall ng Punta Baja at Iraan.

Bunga ito ng tatlong araw na pagbabantay ng mga pulis sa mga kalsada ng bayan para sa pagpapatupad ng municipal ordinance na nagtatalaga ng mga panuntunan sa trapiko at mga regulasyon sa kaligtasan sa mga kalsada ng bayan ng Rizal.

Ayon kay P/Maj. Thirz Starsky Timbancaya, hepe ng Rizal MPS, tumataas na ang bilang ng mga aksidente sa kalsada sa mga barangay sa bayan, kung saan nasasangkot ang mga motorsiklo na kadalasang minamaneho ng mga menor de edad.

Nitong January 6 lang, 3 ang patay sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Brgy. Candawaga, habang kritikal pa sa intensive care unit (ICU) ang isa.

“Tumataas na ang VA (vehicular accident) namin, lalo na mga minors ang nagda-drive. Last week lang dalawang motor nagbanggaan, patay ang Driver 72 years old, pati ang driver na babae na kabanggaan ito at mga angkas, isa patay saka ang isa pa doon sa ICU. Lahat yun walang suot na helmet, walang license, at saka mga minors,” Pahayag ni Timbancaya.

Dahil dito, agad na nagpadala ng sulat ang PNP sa lokal na pamahalaan, schools, at mga pribadong kompanya para magbigay warning bago nagsimula ang check point noong January 9 hanggang sa kasalukuyan.

Sa mahigit 200 na motorsiklong nakumpiska ng PNP, ilan dito ay minamaneho ng mga minors, ang mga driver ay walang helmet, at may mga muffler, o open pipe.

Ayon sa ordinansa ng bayan, ang bawat paglabag ay may multang aabot sa P200 sa unang paglabag, P350 sa ikalawa, at P500 sa ikatlong paglabag.

Layunin ng PNP sa bayan na mabawasan ang aksidente sa mga kalsada, at mapahalagahan pa rin ang buhay ng bawat isa.

“Sayang ang buhay, bata pa tapos mamamatay ka lang dahil sa kulang ka sa kaalaman sa pagmamaneho, pagiging irresponsible mo. Tulong ito sa kanila, kami, gusto naming na ang mga taga-Rizal maging disciplined riders,” ayon kay Timbancaya.

About Post Author

Previous articleLocals capture 15-foot male saltwater crocodile in Bataraza River
Next article11 mangingisda sakay ng 3 bangka ang hinarang at inaresto ng mga awtoridad sa Roxas
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.