Narra MPS habang nagpapatupad ng checkpoint.

Kumpiskado ang may 103 motorsiklo sa bayan ng Narra ng pulisya sa unang dalawang araw ngayong linggo ng maigting na pagpapatupad ng mga ordinansa ukol sa pagmamaneho ng walang kaukulang dokumento.

Ayon sa hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS) na si P/Maj. Carlito Valdez, naging matagumpay ang kanilang operasyon noong ika-15 at ika-16 ng Hulyo para kumpiskahin ang mga motorsiklo na ang mga driver ay walang lisensya.

“Sa ginawa nating operasyon, so far, walang nangyaring vehicular accident at sana magtuloy-tuloy na dahil tuloy-tuloy rin ang checkpoint natin. Sabi ko nga hangga’t naka-upo ako at hindi umuulan makikita nila tayo diyan sa iba’t ibang parte ng highway,” sabi ni Valdez.

Sa 103 na bilang ng motor na nakumpiska, 74 na ang nakuha ng may-ari matapos makapagmulta ng P500

“May 74 na ang nakuha ng may-ari at nakapagmulta na, 29 ang naiwan dito sa atin sa istasyon dahil dito ang pinaglalagakan ng task force ng mga motorsiklo. Ito ‘yong walang mga driver’s license ‘yan muna ang ating inuna at sila ay magmumulta ng P500 bawat isa,” paliwanag ni Valdez.

Ayon pa kay Valdez, nag-usap na sila na bibigyan muna ng isang linggo upang ang mga motorista ay kumuha ng Official Receipt ng kanilang motor patunay na wala pang rehistro at lisensya ang kanilang motor.

Sa ngayon wala pang naitatalang krimen sa kanilang istasyon at sa palagay ni Valdez, malaking bagay ang pagkakaroon ng police visibility sa bayan gaya ng pagkakaroon nila ng checkpoint sa umaga at sa gabi at sa regular na pag-iikot sa bayan.

Previous articleCOMELEC screening Iwahig inmates qualified to vote
Next articleP40M high-tech control system tops PALECO shopping
Jayra Joyce Cañete Taboada handles the law and order and the science and education beats. She is also a licensed professional teacher.