Patay ang dalawang lalaki matapos silang malunod sa baybaying sakop ng Sitio Labtay sa Barangay Napsan, kahapon, October 31.

Nakilala ang mga biktima na sina Rickey Manito Sr., 46 taong gulang, at 26 taong gulang na pamangkin nitong si Ramon Manito.

Ayon sa impormasyong nakalap ng Palawan News, bandang alas dos ng hapon ng mangyari ang insidente habang naliligo ang pamilya ng mga biktima sa dagat.

“Ang tiyuhin pumunta sa gilid ng dagat para mag-selfie sana. Malalaki ang alon. Hinampas siya ng alon saka parang hinila sa dagat. Hinampas-hampas siya sa mga batuhan,” pahayag ng isang source na tumangging magpakilala.

Dagdag ng source, sinubukan umanong iligtas ng apat niyang kasamahan ang biktima ngunit pati sila ay pinaghahampas na rin ng naglalakihang alon.

Agad namang nalapatan ng paunang lunas ang dalawang hindi nakilalang kasama ng mga biktima, habang agad na isinugod sa pagamutan ang 22 taong gulang na anak ng biktimang nakilalang si Rickey Manito, Jr.

Tumanggi na rin ang pamilya ng mga biktima na imbestigahan pa ng mga pulis ang nangyaring insidente.

Matatandaang nakataas ang gale warning dahil sa mataas na alon at masungit na lagay ng karagatan sa buong lalawigan ng Palawan dahil na rin sa bagyong Paeng.

About Post Author

Previous articleSenator eyes automatic crop insurance for farmers
Next articleMango breeding program results, set to strengthen mango export industry
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.