Tugon sa pangangailangan ng malinis na tubig ng mga residente ng mga bayan ng Rizal at Quezon ang Magtayob Water Supply System Project (MWSSP) na pinasinayaan nitong Nobyembre 19 sa Barangay Bunog, Rizal, Palawan.
Sinabi ni Vice Governor Dennis Socrates, maiibsan nito ang kawalan ng pinagkukunan ng malinis na inuming tubig ng mga residente sa apat na rural barangay na sakop ng mga nabanggit na bayan.
Ang MWSSP ay ika-58 water system project sa ilalim ng Infrastructure, Health, Education, Livelihood, and Protection of the Environment (IHELP) program ng provincial government.

Ayon kay Socrates, ang makikinabang sa proyektong patubig ay ang mga residente sa mga barangay ng Bunog at Iraan sa Rizal; Quinlogan at Calumpang sa Quezon.
“Isa lamang ito sa napakaraming barangay [na nabigyan ng patubig dahil ang dating] pinagkukunan ng tubig dito ay balon [na mga] stone age na,” ayon kay Socrates.
“Noon pa lang ay pinapangarap na ni [Gov.] JCA na aabot ang panahon na lahat ng mamamayan ay umiinom ng malinis na tubig,” dagdag niya.
Aniya pa, hindi lamang ito katuparan ng pangarap ng mga residente na magkaroon ng malinis na inuming tubig at mapagkukunan ng magagamit pang araw-araw, kundi ito ay makatutulong rin para sa pag-angat ng kalidad ng kanilang buhay bagama’t sila ay nasa liblib na lugar.
Dagdag pa ng bise gobernador, ang pagkakaroon ng malinis na tubig, ay makakatulong sa kaligtasan at kalusugan ng mga kuminidad
Ang MWSSP ay pangalawa nang water system project sa bayan ng Rizal at pang-anim naman sa munisipyo ng Quezon sa Southern Palawan.
