Larawan mula sa City Police Station 1

Inaresto ng mga awtoridad ang isang 40 anyos na magsasaka sa Barangay Maryugon, Puerto Princesa City noong Miyerkules ng umaga matapos ireklamo nang panggagahasa ng kanyang sariling anak na menor de edad.

Ang inaresto ay kinilalang si Alipio Manapao Osalia na nahaharap sa kasong one count ng acts of lasciviousness at three counts ng statutory rape.

Ayon sa hepe ng City Police Station 1 na si P/Lt. Ray Aron Elona, inaresto nila si Osalia sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng lokal na korte dahil sa panggagahasa sa anak ngayong taon.

Bagama’t hindi gaanong matandaan ng biktima ang mga eksaktong araw na siya ay ginahasa ng kanyang sariling ama, sinabi umano niya na nangyari lang ang mga insidente ngayong taon.

“Sinerve natin ang warrant of arrest sa bahay niya sa Maryugon at sa loob siya ng bahay naaresto. Anak niya iyong biktima at this year lang ito nangyari,” ang sabi ni Elona.

“Actually, wala tayong definite date kasi mismong iyong bata hindi niya rin masabi. Ayon sa statement niya three counts ‘yan pero iyong date hindi niya masabi,” dagdag pa niya.

Sinabi din ni Elona na magkasama sa bahay ang suspek at biktima, at napag-alaman din na hindi naka-inom ang suspek nang mangyari ang pangagahasa.

Itinanggi umano ng suspek ang akusasyon.

“Normal naman na tinatanggi ng ating suspek ang ginawa niya. Pero magkakasama lang sila sa isang bahay, hindi rin sila hiwalay ng kanyang asawa. Given na, na intentional talaga ‘yan, kung ano man ang motibo niya hindi na natin masasabi dahil mahirap nang i-determine, at hindi naman siya nakainom noong time na ‘yon,” ang sabi ni Elona.

 

 

Previous articleRed tide toxins still present in 2 PPC bays and Inner Malampaya Sound in Taytay town
Next articleKalayaan island town commends former BRP Cabra commander and crew