Isang 59 taong gulang na magsasaka ang nagpapagaling sa ospital sa bayan ng Rizal matapos itong tagain kahapon, March 22, ng walang dahilan.

Ang biktima ay kinilalang si Gardo Ambotong Angcar, residente ng Brgy. Punta Baja sa bayan ng Rizal, samantalang ang itinuturong suspek ay si Magno Ando Beltran, 59 taong gulang din, at residente rin ng naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng Rizal police station na ipinasa sa Palawan Police Provincial Office (PPO), bandang 5:30 ng hapon noong March 22 ay dumating si Beltran na may dalang itak at basta na lamang tinaga si Angcar sa hindi malamang kadahilanan.

Noong nasabing oras na nangyari ang insidente ay nakikipag-usap lamang umano si Angcar sa dalawang residente sa labas ng isang bahay. Tinangkang pigilan ang suspek ng isang nagngangalang Rubin, ngunit hindi ito nagpaawat.

Ayon pa sa pulisya, maging si Beltran ay dinala rin sa ospital dahil sa mayroong sumuntok dito.

Narekober ang itak na ginamit sa pananaga at ito ay nasa pag-iingat na ng Rizal municipal police.