Oct 30, 2020

Magsasaka sa Rizal, patay sa pananaga

Ayon sa ulat na inilabas ng PPO, nalaman ang pangyayari matapos makita bandang alas singko ng hapon noong July 12 ng pinsan nito na wala ng buhay ang biktima na si Aragon.

Isang lalaking magsasaka ang natagpuang patay matapos pagtatagain sa Purok Pinag-isa, Barangay Candawaga, Rizal, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang nasawi na si Jonie Aragon, 53, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat na inilabas ng PPO, nalaman ang pangyayari matapos makita bandang alas singko ng hapon noong July 12 ng pinsan nito na wala ng buhay ang biktima na si Aragon.

Sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Arnel Bagona, hepe ng pulisya sa bayan ng Rizal, ang pinsan ng biktima ang naka-diskubre sa nangyaring pamamaslang nang puntahan ito sa bahay.

“Opo, pinsan ng biktima (ang nakakita) kasi tinatawag nila (ang biktima) para hatiran ng pagkain tapos hindi sumasagot kaya ang ginawa niya, bandang huli pinuntahan niya na lang kasi hindi sumasagot sa cellphone,” ayon kay Bagona.

Ayon kay Bagona, nag-iisa sa buhay ang biktima, at sa tantya nito, Sabado ng gabi nangyari ang insidente.

“Posible na sa tantya lang, parang Sabado siya ng gabi nangyari, marami rin siyang natamong sugat sa katawan na naging dahilan ng pagkasawi niya,” salaysay ni Bagona.

Ayon pa sa kanya wala naman umanong kaalitan ang biktima kaya malaki ang kanilang pagsisikap na mahuli ang suspek at makakuha ng witness sa pangyayari.

“Sa ngayon wala pa kaming ibang detalyeng  maibibigay kasi kasalukuyan pang iniimbestigahan yan (ang pangyayari). Talagang gagawa kami ng paraan para kahit papaanu makakuha kami ng witness,” dagdag niya.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry