Patay ang isang 38 anyos na magsasaka matapos itong pagsasaksakin sa Little Tondo, Purok Masagana, Brgy. Burirao sa bayan ng Narra, noong bisperas ng bagong taon, December 31, 2022.

Ayon sa police report na ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PPO), naisumbong sa kanila ang pananaksak ni Narciso Mariano, 44, sa biktima na si Dennis Espina, 38, noong madaling araw na ng January 1, 2023.

Hindi idinitalye ng PPO ang dahilan nang pananaksak sa biktimang si Espina, ngunit sinabi nito na boluntaryong sumuko rin ang suspek sa Narra municipal police bandang 9:30 a.m. ng bagong taon matapos tangkain pa sanang tumakas.

Ang bangkay ng biktima ay natagpuan matapos makatanggap ng tawag ang istasyon ng pulis sa nasabing bayan mula sa isang kagawad ng barangay na nagbigay ng impormasyon hinggil sa pagkakatagpo dito.

Sa pahayag naman ni Kgd. Deborah Queran ng Burirao, lasing na ang biktima ng tumungo ito sa bahay ni Mariano para makipagbati matapos ang maraming taon na hindi sila nagkakaunawaan.

“Pumunta doon ang biktima sa bahay ni Mariano kasi gusto nang makipagbati nga sa mga kaibigan na matagal ng may mga tampuhan. Taon na din kasi na hindi nagbabatian ang mga yan. Ang gusto ng biktima, bago matapos ang taon maging ok na sila,” ayon kay Queran.

Noong una ay naging maayos naman ang naging usapan ng dalawa, ngunit paulit-ulit ang pag-aaya ni Espina nang inom kay Mariano na tinatanggihan nito dahil sa nagluluto ito ng handa para sa media noche. Sa halip, dinala umano ni Mariano si Espiina sa bahay ng pamangkin sa hindi kalayuan kung saan mayroong inuman at videoke.

Ngunit sinasabing naging makulit na diumano si Espina na naging dahilan nang pananaksak dito ni Mariano.

“Mga 500 meters siguro, hinatid siya doon para doon na lang makipag-inuman sa bahay ni Joner Mariano, kasi doon may inuman at saka kantahan. Ang problema, hanggang doon makulit pa din daw, kaya napikon na ang isa (suspek), pinagsasaksak na siya hanggang nakarating sa labas ng bahay, tapos ang suspek tumakas,” ayon pa sa kagawad.

Haharapin ni Mariano ang kasong homicide, ayon sa PPO.

About Post Author

Previous articlePuerto Princesa police on high alert this New Year’s eve
Next articleNegosyante patay sa pamamaril sa Brgy. Alfonso XIII sa Quezon noong Bagong Taon
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.