Aprubado na sa Kamara ang panukalang magna carta na naglalayong tiyakin ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong naglalayag na labis na naapektuhan ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Inaprubahan na sa Committee on Overseas Workers Affairs ang committee report sa substitute bill sa House Bills 272, 328, 1568, 2318, 3282, 3990, 4685, 4749, 5142 at 5430 na magtatatag sa Magna Carta of Filipino Seafarers.

Layunin ng panukala na proteksyonan ang mga marinong apektado ng pandemya sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng nararapat na kondisyon sa trabaho, makatuwirang kontrata sa trabaho, at sapat na oportunidad sa kanilang propesyon.

Samantala, tinalakay sa pagdinig ng komite ang mga huling kaganapan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa paglubog ng Gulf Livestock 1, isang cargo vessel sa karagatan ng Japan lulan ang 39 na Pilipinong marino.

Ayon kay DFA Undersecretary Sarah Arriola, dalawa ang nakaligtas at isa ang nasawi ayon sa ulat na kanilang natanggap.

Tiniyak ni Arriola ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa kanilang katapat na ahensya sa Japan, China, at South Korea, kasama na ang United Arab Emirates, kung saan tagaroon ang may-ari ng cargo vessel, para sa patuloy na search and rescue operations sa natitira pang 36 na Pilipinong marino.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, nagdesisyon na ang OWWA Board of Trustees para sa ayuda na kanilang ibabahagi sa mga pamilya ng mga biktima tulad ng death and burial benefits, livelihood benefits, ayudang pinansyal at scholarship para sa isang dependent hanggang sa siya ay makapagtapos sa kanyang pag-aaral.

Samantala, inaprubahan ng komite ang mosyon ni MARINO Party-list Rep. Macnell Lusotan upang buuin ang isang task force para mag monitor sa isinasagawang search and rescue operations sa hinahanap na mga marino.

Pinamumunuan ni TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza ang Committee on Overseas Workers Affairs sa kamara.

 

Previous articleSignal No. 3 up in Catanduanes as “Rolly” approaches Luzon eastern coast
Next articleSuper typhoon Rolly makes landfall in Catanduanes, Signal #1 up over Calamianes