NARRA, Palawan — Inaresto ng mga pulis ang mag-amang magsasaka sa Barangay Dumangueña sa bayan na ito dahil sa attempted murder matapos magpaputok at mahulihan ng improvised na mga baril, Lunes ng umaga.
Ang mga inaresto at nahaharap sa kasong attempted murder ay kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO) na sina Pacito Domingo Esparogoza, 48, at Alberto Antonio Esparogoza, 75, magsasaka at parehong residente ng Purok Silangan sa nasabing barangay.
Ayon kay Ramos, nilabag ng mag-ama ang Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahil sa tangkang pagpatay sa mga kapwa magsasaka na sina Hulito Ildo Domingo, 59, at Raffy Patricio Domingo, 21, kanilang pinaputukan.
Sa dagdag na pahayag ni P/Maj. Romerico Remo, hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na hinabol ng itak at pinaputukan ng mag-amang Esparogoza ng improvised na mga baril ang mga Domingo na nakatakas naman at nagsumbong sa kapitan ng Dumangueña na si Edgar Domingo.
Agad na tumungo sila Remo at iba pang mga kawani ng Narra MPS sa lugar upang rumesponde sa sakahan kung saan naganap ang insidente.
Pagdating sa lugar, kasama ang mga opisyales ng barangay ay nadatnan nila ang mga suspek na may hawak na mga baril. Pagkakita sa kanila, itinapon ang mga ito at tumakbo papunta sa kanilang bahay.
Nasundan ang mga ito ng mga awtoridad at doon na nga nakuha ang ilan pang mga baril.
Nakuha sa kanila ang tatlong improvised 12 gauge shotguns, dalawang improvised caliber 22 at bala ng mga ito.
Ayon kay Remo, patubig sa sakahan ang naging dahilan ng pagpapaputok ng baril ng mag-ama. May mga ulat din sa kanila na madalas gamitin ng mga ito ang mga baril upang manakot.
“Dahil sa patubig, lagi rin daw silang naninindak gamit ang fire arms, halimbawa pag may nabibiling rice fields ang mga dayo doon, hindi na nila nasasaka dahil sa sinisindak sila nito,” sabi ni Remo.