BROOKE’S POINT, Palawan – Nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ulo ang mag-amang naaksidente matapos hindi mapansin ang putol na bahagi ng sementadong kalsada na wala diumanong early warning device sa Barangay Oring-Oring, ganap na ika-pito ng gabi ngayong Huwebes, December 2.
Nagpakilala ang biktima na si Darwin Monteras, 27 taong gulang, kasama ang asawa’ t anak nito na limang taon na hindi na pinangalanan.
Ayon kay Monteras, binabaybay nila ang sementadong bahagi ng national highway mula sa bayan pauwi sa Sitio Tamlang matapos umanong magtinda ng isda sa palengke nang mangyari ang aksidente.

Dagdag niya, mag-o-overtake sana sila subalit hindi niya napansin ang putol na sementadong kalsada dahil sa sobrang dilim at kakulangan ng early warning device.
“Pauwi na kami galing sa pagtinda ng isda, mag-o-overtake po sana kami pero di ko napansin ang putol na daan at harang na walang early warning device kaya sumemplang ” pahayag ni Monteras.
Maswerte naman na may dumaan at tumawag ng rescue kung kaya’t agad namang isinugod ang mga biktima sa pagamutan.
