NARRA, Palawan — Kawalan ng transformer ang ikinababahala ng pamunuan ng Princess Urduja National High School (PUNHS) sa bayan na ito sa kanilang paaralan na dahilan para hindi maayos na maisagawa ang distance learning sa darating na October 5.
Ayon kay Joy Galgo, ang principal ng PUNHS, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naikakabit ng isang contractor ang transformer na kailangan nila para sa paaralan.
“Nababahala kami kasi everyday, ang mga teachers natin dito need ng kuryente, maglalagay ng laptop, computer, charging at need ng school syempre ng kuryente lalong-lalo na kapag dumating na ang distance learning so dapat maikabit na ang transformer dito,” ayon kay Galgo.
Dininig sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Narra ang nasabing usapin noong Lunes.
Ayon sa contractor, ang Carina Electrical Construction and Supply, natatagalan sila sa mga bagong requirements na hinihingi ng Palawan Electric Cooperative upang maikabit nila ang nasabing transformer.
Hinihingi pa umano sa kanila ang loading requirement sa transformer na naaayon sa bagong polisiya ng National Electrification Administration.
Dagdag ng CECS, hihingi sila ng konsiderasyon sa Palawan Electric Cooperative na payagan na silang maikabit ang transformer matapos na makompleto na ang hinihinging requirement sa lalong madaling panahon.
Nagpahayag naman ng suporta ang PALECO Narra na makakarating sa kanilang main office ang hinihinging konsiderasyon ng Carina Electrical and Construction Supply na tuluyan na ngang maikabit ito sa nasabing paaralan.