BROOKE’S POINT, Palawan -Tinalakay sa Sangguniang Bayan kahapon ang kawalan ng maayos na dokumento ng lupang kinatitirikan ng Brooke’s Point National High School at Paratungon Elementary School sa barangay Pangobilian, bayan ng Brooke’s Point.

Ayon kay Dawin Omar, ang principal ng Brooke’s Point National High School, matagal na umanong suliranin ang kawalan ng maayos na dokumento ng lupang kinatatayuan ng paaralan.

Nasa 72 ektarya ang lupang naideklara bilang public land at anim na ektarya dito ay nakatalaga upang pagtayuan ng pampublikong paaralan. Subalit sa tagal ng panahon ay inaplayan na ito ng mga pribadong indibidwal hanggang sa natira ang anim na ektarya.

Sa paglakad pa ng panahon ay nasa halos apat na ektarya na lamang ang natitira na siyang kinatatayuan ng mga malalaking gusali mula sa Department of Education (DepEd). Ang dalawang ektarya dito ay napwestuhan na ng kampo ng PNP Brooke’s Point, evacuation center, ilan pang mga gusali, at ng malaking swimming pool na nailagay panahon pa ng nakalipas na administrasyon.

“Sa pagkakaalam namin, anim na ektarya ang inilaan ng gobyerno sa presidential decree intended sa school site dito sa Brgy. Pangobilian matagal na panahon na noon. Subalit sa ngayon ay nasa apat na ektarya na lamang ito,” ayon kay Omar.

Bagamat apat na hektarya ang sa ngayon ay nagagamit para sa pampublikong paaralan ay nais umanong isaayos ni Omar at OIC Josephine Dagwat ng Paratungon Elementary School ang papeles ng lupa upang mas mapabilis ang improvement nito.

“Malapit na kaming mag-retire bilang guro, gusto sana namin na maiayos ang mga papeles ng paaralan para may maiwan din kaming legacy dito,” ayon kay Dagwat.

Marami sana umano ang nagnanais tumulong sa gastos ng pagpapasurvey at pagpapatitulo ng lupa ng paaralan subalit wala itong pinanghahawakan upang mapasimulan ang pagsasaayos ng titulo.

Nangangamba din ang ilang mga guro dahil ano mang oras ay pupuwedeng alisin ng lokal na pamahalaan ang paaralan lalo pa at local government unit (LGU) na ang nakalagay sa tax declaration simula noong 2013 kahit pa mas matagal na umuukupa sa lupa ang dalawang public schools.

“Sana kahit yong apat na ektarya mabigyan kami ng LGU ng certification para mapatituluhan para sa dalawang school yong lupa” – ayon kay Dawin Omar

Apektado din sa kawalan ng maayos na dokumento ang mga studyante ng senior high school dahil walang dokumentong maipakita ang paaralan sa Palawan Electric Cooperative (PALECO) upang tuluyan na nitong maikabit ang transformer na siyang kailangan upang mapabilis ang evaluation nito.

“Meron tayong mga gamit para sa senior high school, sa ICT. Meron tayong 100 unit ng computers pero dahil kulang ang supply ng kuryente, 20 lang ang nagagamit, hindi magamit ng sabay-sabay dahil hindi kaya. May mga gamit tayo for strands ng welding, pero useless din kasi hindi maikabit ang transformer dahil kulang tayo sa documents. Maliban dito magastos ang magpa-evaluate sa Puerto Princesa, kawawa ang mga bata at magulang,” dagdag pa ni Omar.

Samantala, iaakyat umano ng committee on rules and education sa pangunguna nila municipal councilor Edgar Lacandazo at Romeo Balean ang usapin sa opisina ng alkalde ng bayan ng Brooke’s Point upang pag-usapan kung nararapat bang magbigay ng sertipikasyon o gawaan ng resolusyon ng Sangguniang Bayan upang matulungan na maisayos ang matagal ng problema ng dalawang pampublikong paaralan.

 

Previous article2 lalaki patay sa banggaan sa Brooke’s Point
Next articleCOA junks administrative raps vs prov’l gov’t officials
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.