LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Dahil sa mga nagaganap na aksidente sa kalsada, nagsagawa ng checkpoint ang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) Central upang masiguro na nasa kundisyon ang driver at sasakyang minamaneho nito sa kahabaan ng Nautical Hi-way, Brgy. Bayanan 1 sa lungsod ng Calapan.
Pinangunahan ni Atty. Clarence Guinto, Director of Law Enforcement Service at LTO-NCR Director ang nasabing operasyon upang masiguro na maayos ang gagawin nilang monitoring sa kalsada.
“Bawat araw nakakapagtala kami ng 32 namamatay sa buong bansa dahil sa mga walang disiplinang driver na ang karamihan ay walang suot na helmet, hindi naka seatbelt, naka-inom ng alak at naka gamit ng iligal na droga kung kaya namin ginagawa ito ay ayaw namin na madagdagan pa ang mga nasasawi,” ayon kay Guinto,
Kanila rin aniyang ipinatutupad ang mga batas RA 4136, tungkol sa kasalukuyang umiiral na batas trapiko sa bansa, RA 10586, ang ‘Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013’ at RA 9165 na may kaugnayan sa pagdadala o pagbebenta ng iligal na droga.
Humingi rin ng tulong ang director sa lokal media upang ipaalam ang kanilang mga isinasagawang operasyon sa gayo’y maging maingat at disiplinadong motorista sa lansangan na hindi nakainom o nakadroga, may suot na helmet at iba pa upang iwas disgrasya at multa.
Samantala, kasama ng LTO ang PNP Regional Crime Laboratory Office Mimaropa na nagsagawa ng drug testing sa mga driver na hindi maayos ang pagmamaneho at may kahinahinalang kilos. Mayroon naman dalawang nag positibo sa paggamit ng iligal na droga kung kaya isasailalim sila sa batas na sumasakop sa RA 10586 at RA 9165.
Bukod sa Calapan, kanila din isinagawa ang operasyon sa bayan ng Roxas dahil na rin sa hiling ng LGU. (DN/PIA-OrMin)