SAN VICENTE, Palawan — Sa layuning maibsan ang kahirapan at maiangat ang diwa ng pagdadamayan at pagtutulungan ng bawat isa sa komunidad, binuksan ng ilang indibidwal ang Long Beach Community Pantry sa Purok Magsasaka, Barangay San Isidro sa bayang ito.
Ayon kay Tabby Marinas, isa sa mga organizer ng pantry, naisip niyang gawin ito dahil na-inspire siya sa nakitang magandang layunin ng Maginhawa Community Pantry sa Lungsod ng Quezon sa Maynila.
“Payak at simple pero malaking tulong at saya ito sa mga kababayan natin lalo ngayong panahon ng pandemya na halos hirap ang lahat kumilos at kumita ng normal dahil na din sa mga restrictions,” pahayag ni Marinas.
Aniya, nagsimula ang lahat sa isang ideya at sa Facebook post nito ay pinangunahan niya at ng kanyang pamilya, kasama ang mga kaibigan at kaklase sa Manila na nagbigay ng mga pangunahing grocery items na siya ngayong naka-display sa community pantry.
Araw ng Martes, Abril 20, nang buksan nila ang Long Beach Community Pantry at sa simula ay madalang pa ang mga pumunta para kumuha ng kanilang pangangailan maging ang mga nagbibigay. Kinailangan din ni Marinas na ipaliwanag ang layunin at kahalagahan ng kanilang ginawang community pantry para mas lalong maintindihan ng bawat isa na nakilahok dito.
“Noong unang araw, madalang pa ang pumunta dito. At ipinaliwanag ko rin kung papaano maging sustainable yung aming pantry para hindi maubusan ng mga grocery items. Para tuloy-tuloy, kinakailangang magtulungan, maglagay din ng items na kaya lang naman nila i-provide. Sabi ko gawin nating barter system,” paliwanag ni Marinas
“Kung ano lang meron sa kanila, pwede naman nila dalhin dito at ilapag. Kung gulay ba yun, suka, bigas, tuyo, buko or kahit ano lang na kaya nila i-share,” dagdag pa niya
Natuwa naman si Marinas sa mga sumunod na araw dahil dumagsa na ang community sharing kung saan may nagdala na ng gulay, bigas, suka at uling. “Bagay na natuwa ako dahil naunawaan nila ang layunin ng pantry – ang pagtutulungan at sharing, that we need to work together,” aniya.
Maliban sa pantry kung saan ngayon nakatutok ang atensyon ni Marinas ay naroon din ang adbokasiya niya na iwasan na gumamit ng mga plastic bags para makatulong sa kalikasan. Kaya sa mga sumunod na araw ay pinadadala na niya ng mga eco bag at bote ang mga pumupunta dito.
“On our first day Madami ang mga naka sachet namin na goods galing sa mga sponsors like mantika, toyo, suka. Pero kahapon bumili na kami ng malalaking bote at pinadadala na lang namin sila ng mga empty bottles at eco bags para less plastic garbage tayo,” aniya
Ang maliit na long beach pantry nagsimula lamang sa Purok Magsasaka hanggang dinayo na ng mga karatig barangay dahilan para magsipag pa ang mga bumubuo ng Long Beach community pantry. Lalo ngayon na panahon ng pandemya na marami ang naapektuhan maging ang mga nasa sektor ng turismo pati na rin mga ordinaryong mamamayan.
“Na-realize ko rin na ang Palawan ay nasa tourism industry at sa pamahon ngayon bagsak na bagsak ito at halos lahat ay apektado dahil sa pandemya. Angdaming taong nawalan ng trabaho, maraming may trabahong nabawasan ang sahod. Kahit maliit ang pantry, kung magtulungan lahat, magiging sustainable at kayang pagbigyan lahat,” dagdag niya
Sinugurado naman ni Marinas na maayos nilang nasusunod ang mga pinaiiral na health protocols sa lahat ng nakikiisa sa Long Beach community pantry.
“Actually para nga kaming checkpoint sa pagpapatupad ng health protocols, at kahapon nga may pulis na pumunta doon at nag-check kung nasusunod ba namin ung protocols at nakita naman nila na maayos namin nasusunod yun. May kasama Kami dito taga pagpaalala sa pagsuot palagi ng face mask, may nagbabantay ng physical distancing, may naka-assign sa temperature check, at meron naman kami contact tracing sheets” paliwanag ni Marinas
Ang pagdami ng community pantry ngayon sa San Vicente ay labis na ikinatuwa ni Marinas dahil katulad niya, isa lamang sila sa mga na-inspire ng Maginhawa pantry ng Quezon City na ngayon ay may daan-daang pantry na sa buong bansa. Nagsimula lamang sa isang maliit na cart na may lamang mga maliit na grocery items at mga gulay. Ngayon sa bayan ng San Vicente ay marami na ring community pantry na bukas sa mga mamamayan tulad ng Port Barton community pantry, Alimanguan community pantry, Sto. Niño community pantry, Poblacion community pantry at MPS San Vicente community pantry.
Handa naman si Marinas na tumulong sa mga nagbabalak magbukas ng kani-kanilang community pantry. Aniya huwag mahihiyang makipag ugnayan sa kanya o mag-iwan ng mensahe sa Facebook page ng Long Beach community pantry.



