Sinubukan pang i-revive si Lahao-lahao ngunit hindi na ito naagapan pa.

Patay ang isang senior citizen matapos malunod habang naliligo sa Sityo Matugbong, Barangay Isugod sa bayan ng Quezon kahapon, March 15.

Ang biktima ay kinilalang si Vicente Lahao-lahao, 70, at residente ng Brgy. Pinaglabanan ng nasabing bayan.

Ayon kay Alfonso Paciones, staff ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kasama ng biktima ang kanyang pamilya na nagpi-picnic at nanginginas at hindi nito namalayan na malalim na pala ang napuntahan nito kaya ito nalunod.

“Gusto sana siyang tulungan ng asawa at anak niya kaya lang takot sila dahil hindi rin sila marunong lumangoy. Nakuha lang si tatay sa tulong ng mga taga-roon,” pahayag ni Paciones.

Nagtataka rin ang MDRRMO kung paano nalunod si Lahao-lahao dahil ayon sa pamilya nito marunong naman daw itong lumangoy. Dagdag pa nila, hindi naman malakas ang hampas ng alon nang mangyari ang insidente.

Isang tinitingnang dahilan ngayon ng MDRRMO ay maaring napulikat o kaya ay inatake sa puso ang biktima.

“Nagtataka rin kami. Ang iniisip namin ay baka may ibang sakit ito. Maraming posibleng dahilan ‘yan kahit marunong lumangoy kung halimbawang napulikat. Posible rin na habang lumalangoy ay baka inatake rin siya sa puso o na highblood,” paliwanag ni Paciones.

Previous articleEight more participants in Acacia Lane event tests positive for COVID-19
Next articleDalawang lalaki, nasagip ng Coast Guard-El Nido matapos masiraan ang bangka