No Images found.

Lokal na pamahalaan ng Culion, namahagi ng ayuda para sa mga residente ng barangay na isinailalim sa ECQ

Paghahanda ng mga food packs na ipinamahagi sa mga residente bilang ayuda ng pamahalaang lokal. |Photo courtesy of LGU Culion

Matapos na isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang pitong poblacion barangay ng bayan ng Culion noong Abril 10 ay agad na pinulong ni Mayor Virginia De Vera ang Municipal Inter-Agency Task Force Against COVID-19 (MIATF) at ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) para sa pamamahagi ng food packs sa mga residente bilang ayuda ng pamahalaang lokal.

Sa pahayag na inilabas ng local na pamahalaan ng Culion, anumang oras ay iikot ang MIATF at MDRRMO para ipamahagi ang ayuda.

|Photo courtesy of LGU Culion

“Ang unang ayuda ay naipamahagi sa buong poblacion barangays sa loob ng 24 na oras mula ng maisailalim ito sa ECQ alinsunod sa malawakang tracing na isinagawa,” ayon sa official statement ng local government unit (LGU) ng Culion.

“Sinigurado ni Mayor de Vera na mabibigyan ng ayuda ang lahat ng pamilya sa mga nasabing barangay. Ipinatupad din ang pasuyo program sa bawat barangay upang masigurado na masolusyunan ang pangangailangan ng bawat pamilya,” ayon pa rin sa statement.

Ang pitong barangay sa poblacion ng bayan ay kinabibilangan ng Osmeña, Tiza, Libis, Balala, Culango, Jardin, at Baldat. Isinailalim sa ECQ ang mga ito bunsod ng biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa impormasyong ibinahagi ni Hermie Villanueva, isang residente ng barangay Libis noong Martes, April 13, nagmistulang “ghost town” ang buong poblacion dahil halos walang tao ang lumalabas sa kanilang mga bahay matapos ipatupad ang ECQ.

“Simula noong April 10, halos walang lumalabas sa amin. Walang makikita talaga sa labas. Lahat ng pagkain na nais naming bilhin ay pinapasuyo sa pasuyo team ng barangay,” pahayag ni Villanueva.

“Nakatanggap na rin kami ng foodpacks mula po sa LGU. Mahirap pero kailangan nating sundin para sa kaligtasan ng Culion at bawat pamilya namin,” dagdag niya.

Samantala sa panayam kay punong barangay Gilbert Ferriol ng Tiza, sinabi nito na nagpapatuloy din ang “pasuyo program” bilang serbisyo sa kanilang mga residente. May mga awtorisadong personnel ang barangay IATF na siyang kumukuha ng listahan sa mga bawat pamilya para sa mga kailangang ipabili ang ang halaga ng kanilang pera.

“8:00 to 11:00 a.m. ang oras ng pagkolekta ng papel at 2:00 p.m. naman ay inihahahatid sa kanila ang nabili. Ilalagay ito sa upuan sa labas ng kanilang bahay,” ani Ferriol.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry