Sa larawan ay makikita ang mga senior citizen ng bayan ng Rizal habang hinihintay nilang matanggap ang kanilang social pension mula sa PSWDO ng pamalaang panlalawigan. | Photo by Palawan PIO

Ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ang tulong pinansiyal o Local Social Pension (LSP) para sa mga indigent senior citizens sa bayan ng Rizal na personal na inihatid ng mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa iba’t-ibang mga barangay nitong nakalipas na June 16-19, 2021.

Ayon sa namumuno sa PSWDO na si Abigail D. Ablaña, umabot sa kabuuang halaga na P804,000 ang naipagkaloob sa 536 na mga senior citizen sa Rizal na nagkakahalaga ng kabuuang P1,500 para sa bawat isa kung saan saklaw nito ang anim na buwan mula Hulyo hanggang Disyembre sa nakalipas na taong 2020.

Isang elderly ang makikita sa larawan na ito habang pumipirma ng dokumento na may kinalaman sa social pension na ipinamahagi ng PSWDO. | Photo by Palawan PIO

- Advertisement -

Aniya, sa kabila ng problemang kinakaharap ng ating lalawigan sanhi ng COVID-19 ay patuloy ang ginagawang paglilingkod ng PSWDO upang maihatid ang ayudang ipinagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan kaalinsabay nang pagsunod sa lahat ng health and safety protocols na ipinatutupad ng bawat LGU.

Ang pagbibigay ayuda sa mga senior citizen ay sa ilalim ng ‘Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens’ na regular ng programa ng naturang tanggapan na may layuning matulungan ang mga nakatatanda lalo na ang mga kapus-palad upang makatulong sa kanilang pangangailangan partikular sa mga gamot at pagkain.

Ayon pa kay Gng. Ablaña, nakatakda ring pagkalooban ng Local Social Pension ang ilan pang mga senior citizen sa iba pang mga munisipyo ng lalawigan sa susunod na mga araw ayon na rin sa direktiba nina Gob. Jose Ch. Alvarez at Acting Gov. Dennis Socrates upang makatulong sa mga ito lalo na ngayong kinakaharap pa rin natin ang pandemya ng COVID-19.

Previous articleProvince-wide coral restoration begins in Buenavista and Torrijos, Marinduque
Next articleCoconut farmers mula sa dalawang barangay ng Española nakatanggap ng insentibo mula sa PCA