Mahigpit na ipinatutupad ang mga health protocols tulad ng paghuhugas ng kamay, pagdaan sa thermal scanner at paghuhugas ng kamay gamit ang alcohol bago pumasok sa gusali ng Institute of Business, Science and Medical Arts (IBSMA) Pinamalayan matapos ianunsiyo kamakailan ng CHED na maari nang magsagawa ng limited face-to-face classes ang nasabing paaralan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Matapos matanggap ang balita mula sa Commission on Higher Education (CHED) na maari nang magsagawa ng limited face-to-face classes, sinimulan na ito ng Institute of Business, Science and Medical Arts (IBSMA) sa bayan ng Pinamalayan.

Kursong Diploma in Midwifery ang pinapahintulutan dahil kailangan dito ang hands-on o aktuwal na pagsasanay habang ang ibang kurso ay on-line classes.

Sa isinagawang “Kapihan sa PIA Oriental Mindoro’ kamakailan sa nasabing paaralan, sinabi ni Paul Ballocanag, namamahala sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante, “kilala ang aming institusyon sa Mindoro bilang frontliner sa agham at mga serbisyong pangkalusugan. Sa ngayon ay dalawang taong kurso ng midwifery pa lamang ang bukas para sa limitadong klase ng face-to-face na may 10 estudyante para sa unang taon at ang graduating ay walo.”

Bukod sa naturang kurso, mayroon din BS-Criminology kung saan ay may 300 bilang ng mga mag-aaral, BS-Information Technology, BS-Accountancy at BS-Business Administration na pawang mga online classes.

- Advertisement -

Isa sa mga adbentahe ng IBSMA (kanan) ay ang katabi nitong Pinamalayan Doctor’s Hospital (kaliwa) kung saan dito na isasagawa ng mga estudyante ng Diploma in Midwifery ang kanilang hands-on o aktuwal na pagsasanay sa naturang kurso na hindi na kailangan pang lumayo sa kanilang paaralan. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Ayon pa kay Ballocanag, mahigpit nilang ipatutupad sa mga mag-aaral ang health protocols bago pumasok at habang nasa loob ng paaralan, tulad ng bago pumasok sa gate ay kailangan maghugas ng kamay, dumaan sa thermal scanner, paghuhugas ng kamay gamit ang alcohol at ang pag-agwat ng isang metro sa mga upuan sa loob ng mga silid aralan.

Ang mga estudyanteng kabilang sa face-to-face classes ay dapat nakatanggap na ng full dose vaccine gayundin ang tatlong itinalagang guro na siyang magtuturo sa buong taon ng kurso.

Pumasa din ang nasabing paaralan sa mga inspeksiyong isinagawa ng CHED, Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) ay dahil katabi na nito ang Pinamalayan Doctor’s Hospital at hindi na kailangan pa magbiyahe sa malayong ospital ang mga estudyante para sa mga hands-on activities at upang hindi na mahawaan ng anumang sakit.

Samantala, pinasalamatan ni Ballocanag si CHED Chairman Dr. J. Prospero ‘Popoy’ De Vera sa pagpapahintulot sa kanilang paaralan na buksan muli ang limited face-to-face classes at kanila din pinapakiusapan ang mga mag-aaral na sumunod sa mga alituntuning ipinatutupad ng IATF at responsibilidad din ng paaralan ang pagpapatupad nito dahil sakaling lumabag sila sa mga alituntunin ay maaring bawiin sa kanila ang pribelehiyong ipinagkaloob sa institusyon.

“Sana ay palawigin pa sa ibang kurso ang face-to-face classes dahil sa apat na paaralan sa Pinamalayan, ang may pinakamaraming populasyon ng estudyante ay ang kursong criminology. Mayroon naman kaming mga marshals na nakatalaga para subaybayan ang kilos ng mga estudyante kaya sana ay matugunan ang aming kahilingan,” pagtatapos na pahayag ni Ballocanag. (DN/PIA-OrMin)

Previous articleImplementasyon ng cash incentives para sa senior citizens, hiniling sa bayan ng Rizal
Next articleSSS approves 240,000 sickness benefit reimbursement applications online worth P1.75 billion