Tinatayang nasa 100 katao ang nakatanggap ng ayudang ibinigay ng ilang grupo ng mamamayan ng bayan ng Taytay sa kanilang mga kababayan sa Barangay Liminangcong, na isinailalim sa lockdown.
Ang outreach ay isinagawa noong araw ng Linggo, Mayo 16.
Ang nasabing ayuda ay ipinaabot sa mga residente ng barangay mula sa mga grupong Queens in Action, Feast of Light at Inatawan ng Boses ng Taytayanos, sa pamamagitan ng programang Damayan para sa Kapwa ng 3rd Marine Company (3rd MC) ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3).
Kabilang sa mga naipamigay na ayuda ay ang food packs na naglalaman ng bigas, canned goods noodles at itlog, pakwan, kalamansi, upo at kamoteng kahoy, at face shield.
Ayon kay Cpt. Dennis Sadlay, Civil Military Operations officer ng MBLT-3, mabilis ang naging tugon ng mga mamamayan ng bayan na nagnanais na tumulong kung kaya’t agad din silang nakalikom ng essential goods na kanilang ipinadala.
“Ang MBLT-3 sa ilalim ng 3rd Marine Brigade (3MBDe) at Western Command (WESCOM) ay lubos na nagpapasalamat sa mga taong patuloy na sumusuporta at nakikiisa sa aming programang “Damayan para sa Kapwa,”pahayag ni Sadlay.
“Patunay din ito na ang ating mga mamamayan at ang ibat-ibang organisasyon ay nakikiisa at sumusuporta sa magagandang layunin at programa ng ating pamahalaan,” dagdag niya.
“Makakaasa kayo na ang inyong MBLT-3, katuwang ang mga LGU, NGOs, Civil Society Organizations at iba pang stakeholders ay laging katuwang at kaagapay ng bawat komunidad at patuloy na maglilingkod sa ating mga kababayang Palaweño,” dagdag niya.
Subalit dahil ang Liminangcong ay nasa ilalim nga ng lockdown, hindi na pumasok sa barangay ang grupong naghatid ng tulong. Inihatid lamang nito ang ayuda hanggang sa border control point sa Brgy. Cataban kung saan, sinalubong ito at kinuha ng mga opisyales ng Liminangcong.
“Coordinated na rin naman ‘yun sa barangay nila at bilang pag iingat natin pati sa mga kasama natin,” ani Sadlay.
Ang Bgy. Liminangcong ay isinailalim sa dalawang linggong lockdown matapos magtala ng 46 probable cases ng COVID-19 noong Mayo 14.



