Limang wanted na indibidwal ang naaresto kamakailan lang ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) sa mga dire-diretso nitong operasyon sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease.
Kinilala ang mga ito sa ulat ni P/Maj. Ric Ramos bilang sina Leonardo Dives Martinez, 39; Bandam Maing Parian, 22; Marlon Vicencio Fernando, 35; Ricky Malaras Melgar, 25; at Ronnie Rodrigo Malacaste, 41.
Ayon sa ulat ng PPPO, si Martinez ay inaresto ng operatiba ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) noong June 4 sa Barangay Tarusan sa nasabing bayan dahil sa kasong estafa. Ang warrant para siya ay arestuhin ay ibinaba ni Judge Rohima Sara ng Branch 2 ng Municipal Trial Court Circuit noong May 14, 2021, kung saan may itinakda itong P18,000 na piyansa.
Si Parian naman ay inaresto noong June 4 din sa Brgy. Bancalaan, Balabac dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga. Nilabag umano nito ang Republic Act 9165 ayon sa warrant na ibinaba ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Branch 165 sa Brooke’s Point noong May 14.
Maaari siyang makalaya pansamantala kung maglalagak ng piyansa na aabot sa P200,000.
Noong June 5 ay inaresto naman sa Brgy. Antipuluan sa Narra si Fernando, isang construction worker, dahil sa kasong murder. Itinuturing siyang Top 3 Most Wanted sa bayan ng Antique.
Naaresto siya sa Lagan Compound sa Barangay Antipuluan sa bisa ng warrant na inisyu noong September 27, 2011, ni Judge Romeo Casalan ng 6th Judicial Trial Court ng San Jose, Antique. Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Fernando.
Sa Sityo Puting Bato, Brgy. Panitian sa bayan naman ng Quezon sa southern Palawan naaresto si Melgar o alyas Osting, isang mangingisda, dahil sa kasong two counts ng panggagahasa. Ang warrant ay ibinaba para siya hulihin noong May 3, 2021, ni Judge Mendoza.
Noong Linggo, June 6, ay inaresto naman sa bayan ng Cuyo si Malacaste, isang mangingisda, dahil sa paglabag sa Philippine Fisheries Code.
Itinuturing bilang Rank No. 4 sa municipal level, siya ay may warrant na inisyu noong May 21, 2021 ni Judge Ambrosio de Luna na may inilaang P60,000 na piyansa.
