No Images found.

Limang suspek sa iligal na pangingisda, arestado sa Balabac

Limang tao ang inaresto ng mga operatiba ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) Balabac Special Boat Unit (SBU) matapos maaktuhang nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa magkakasunod na operasyon sa Lumbucan, Barangay Mangsee sa bayan ng Balabac noong Lunes, Marso 29.

Unang nadakip bandang alas otso ng umaga ang kapitan ng isang bangka na kinilalang si Makaniral Ajis, 18, at dalawa pa nitong kasamahan na sina Jarminda Beloh, 46, at Ferdinand Berino, 39, mga residente ng Brgy. Mangsee.

Ayon kay 2nd SOU-MG spokesperson P/Lt. Anna Abenojar, hinuli ang tatlo dahil sa paggamit ng compressor at sodium cyanide.

Makalipas ang kalahating oras ay naaresto rin ng Balabac SBU ang magkapatid na sina Masron Bismani, 35, at Rashid Bismani, 25, sa parehong lugar dahil sa pangingisda na ginagamitan ng pangpasabog.

“Nahuli silang gumagamit ng iligal na pamamaraan na nagdudulot ng polusyon sa karagatan at nagiging dahilan din ng pagkalason ng mga isda at mga yamang-dagat,” pahayag ni Abenojar. “(Yung dalawa,) same area din sila nahuli, 30 minutes lang ang pagitan. Sila naman hinuli dahil sa paggamit ng bungbong,” dagdag niya.

Ayon kay Abenojar, nagsasagawa ng regular na operasyon ng 2nd SOU-MG upang magmonitor at mabantayan ang karagatang nasasakupan laban sa mga illegal na gawain, at upang mapangalagaan ang karagatan ng maaktuhan at mahuli ang mga nabanggit na iligalista.

Ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section. 92 ng Republic Act 10654 at Provincial Ordinance no. 1643 series of 2015

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry