Mon. Oct 21st, 2019

Limang batang lalaki, huling namboboso

Limang minor de edad na batang lalaki ang kamuntik ng kuyugin ng mga taumbayan matapos mahuli sa akto ng pamboboso ng mismong kanilang biktimang babae sa comfort room ng Fun Land sa may Robinsons Place Palawan noong Lunes bandang ala una y medya ng madaling araw.

Ayon sa pahayag ni Roberto Chavez, chief tanod ng Brgy. San Manuel, ang limang mga batang lalaking namboboso ay nag-e-edad ng mula walong hanggang 12 taong gulang.

“Pinaikot-ikot ko yong mga tanod natin kagabi, pagdating nila sa Fun Land, di nagtagal nakita nila ang isang babae na tumatakbo at sumisigaw na may namboboso sa kanya. Noong pinuntahan ng mga tanod natin, nakita nga nila itong mga minor de edad na ito doon sa loob ng pambabaeng banyo,” kuwento ni Chavez.

Kukuyugin sana ang mga batang lalaki ng mga kasamahan sa trabaho ng babaeng di na binanggit ang pangalan. Pero sabi ni Chavez, agad nilang inilayo ang mga ito at dinala sa barangay hall ng San Manuel.

Ayon naman kay barangay chairman Gloria Manuel, maliban sa pamboboso, sinabi ni Chavez na “notorious” ang mga bata sa nakawan sa lungsod, at isa pa sa kanilang modus ay ang mag-bukas ng mga kotse. Minsan na umanong nahuli ang mga ito na ninanakawan ang ilang kotse na naka-park sa harap ng isang mall.

“Tatlong beses na rin natin silang nahuli na nagnanakaw sa mga tricycle, at yong mga kotseng nakaparada dyan sa Robinsons, binubuksan nila. Naka-ban na yang mga yan doon,” dagdag na pahayag ni Chavez.

Samantala, ayon kay San Manuel barangay chairman Gloria Miguel, ipinatawag ang mga magulang ng mga bata para ipaalam sa kanila ang sitwasyon.

“Itinawag sa atin yan ng mga tanod at yon na nga, gusto raw silang bugbugin ng mga kasama ng babaeng binosohan kaya binigyan natin ng advice na dalhin sa barangay hall at ipatawag ang mga magulang,” sabi ni Miguel.

Dagdag pa niya, sakit na rin daw umano sa ulo ng mga magulang ang mga bata at ang ginagawa ng mga ito dahil kahit anong paghihigpit ay tumatakas pa rin ang mga ito sa kalagitnaan ng gabi.

Isinailalim muna ang mga bata sa pansamantalang kustodiya ng City Social Welfare and Development Office para sa pagsasagawa ng counseling.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry