Ang dump truck (kaliwang larawan) at ang motorsiklo (kanang larawan) na sangkot sa aksidente. (Photo courtesy of Palawan Police Provincial Office)

(UPDATED) Lima ang sugatan, kabilang na ang apat na menor de edad, dahil sa nagkabanggaang motor at dump truck sa Barangay Bunog sa bayan ng Rizal, kahapon nang umaga, Setyembre 16.

Ayon sa ibinahaging ulat ng Police Provincial Office (PPO) sa Palawan sa pamamagitan ni P/Maj. Ric Ramos, ang mga nasugatan sa motor dahil sa head-on collision ay ang drayber nito na menor de edad na 17 taong gulang, tatlo pang menor de edad na kanyang angkas, at ang 21 taong gulang na si Havivi Bituin Madayao. Silang lahat ay residente ng Calumpang sa bayan Rizal.

Ang drayber naman ng dump truck ay kinilalang si Arnold Aloro Jurilla, 35, na residente ng Barangay Quinlogan sa bayan ng Quezon sa Palawan.

Ang limang sugatan ay dinala sa Rizal District Hospital (RDH) para sa kinakailangan na agarang medical attention.

Ayon sa imbestigasyon ng pulis, ang Rusi motorcycle na minamaneho ng 17 taong gulang na menor de edad ay galing sa hilagang direksyon at ang dump truck na minamaneho ni Jurilla ay galing sa timog nang maganap ang head-on collision sa kanilang pagitan sa national highway sa Bunog.

Walang lisensya ang drayber na menor de edad, samantalang si Jurilla ay mayroong professional driver’s license.

Sa pahayag naman ni Rizal Municipal Police Station (MPS) chief P/Maj. Thirz Starky Timbancaya, nawalan ng kontrol sa manibela ang batang drayber na naging dahilan nang banggaan sa kasalubong nitong dump truck.

Sa kasalukuyan, ayon kay Ramos ng PPO, mula buwan nang Enero hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa 157 ang aksidente sa kalsada sa lalawigan. Sa bilang, 152 ay nagkaroon nang pag-aayos sa mga sangkot na indibidwal at ang iba naisampa bilang kaso sa korte.

“Ngayon, halos araw-araw [ang aksidente] dito sa Rizal. Hindi kami nawawalan ng ulan, ang resulta niyan, madulas ang daan. Kami nagkakaroon ng mga barangay campaign sa road safety kasabay ng ilang activities namin para magpaalala sa mga kabarangay na mag-ingat sa pagmamaneho, at huwag magda-drive kong nakainom,” pahayag ni Timbancaya.

“Problema kasi, madalas nag-o-overload, nagmamaneho nang lasing, pinagmamaneho ang menor de edad. Binabanggit namin verbally sa kanila na bawal yon,” dagdag nito.

Aniya pa, plano na nilang maglagay ng mga warning signage sa mga bahagi ng kalsada na madalas nagkakaroon ng aksidente.

About Post Author

Previous articlePCSDS receives two Southeast Asian box turtles found by city residents
Next articleCulture mapping a must for local government units – Legarda
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.