Nag-umpisa na ang pagkakaloob ng libreng internet connection para sa mga kabataan sa pagpapatuloy ng kanilang distance learning sa Barangay Poblacion sa Narra nitong Lunes mula sa Sangguniang Kabataan (SK).
Ayon kay SK Chairman Japhet Jedd Junia, nagpakabit sila ng wifi sa isang network provider at ito mismo ay nasa loob ng barangay hall kung saan libreng makaka-connect ang mga kabataang estudyante.
“Puwede silang magkonek sa atin, ginawa natin ito para suportahan ang pangangailangan ng mga kapwa natin kabataan na nangangailangan ng internet araw-araw para sa kanilang mga online needs or research sa panahon ng distance learning dulot ng pandemya,” sabi ni Junia noong July 26 sa Palawan News.
Ayon sa kanya, maraming mga kapwa niya SK chairman sa Narra ang humikayat sa kaniya na maglabas na lang ng pondo at magbigay ng financial load assistance para sa mga estudyante sa Poblacion katulad ng ginagawa sa ibang barangay ngunit hindi nila kakayanin ito kaya minabuti niyang magpakabit na lang ng wifi para magamit ng mga estudyante.
“Ang dami kasi nag-me-message sa akin about sa nakikita nilang load assistance sa ibang barangay. Iniisip ko kung bibigyan sila ng ganyan, 100 to 300 pesos na load, saglit lang nila papakinabangan at sa sobrang dami ng estudyante sa Poblacion hindi kakayanin na mabigyan lahat ng load assistance ,” dagdag pa niya.
Umaasa si Junia na sa ganitong klaseng paraan ay kahit papaano ay makakatulong sila sa mga estudyanteng mag-aaral sa Poblacion, Narra sa pamamagitan ng pagbibigay ng free wifi service.
